Cita Cita Astals with Claudine Barretto

Cita Astals muling nagpakita, pinabulaanang namulubi at nanlilimos

May 30, 2024 Eugene E. Asis 133 views
Cita1
Cita Astals with Maybeline de la Cruz

NASAAN na nga ba ang mahusay na aktres na si Cita Astals?

Labing-isang taong tumakbo sa ABS-CBN ang sitcom na ‘Home Along Da Riles’ at doon siya nakilala nang husto bilang si Hillary Lagdameo na boss ni Kevin Cosme na ginampanan ng Comedy King na si Dolphy.

“It was a great show because it was a family show,” ani Cita sa isang panayam. “And the first show that had an office setting. Buhay talaga ng tao… Awa ng Diyos, naging hit naman.”

At nagbukas pa ito ng maraming oportunidad para kay Cita. Bukod sa naturang show, nagkaroon pa siya ng iba pang proyekto. “I was in other shows. I was very lucky. There was a time I had three shows. I was in Channels 2, GMA 7, RPN 9, and also PTV 4.”

At dahil nagpakita siya ng katalinuhan, kalaunan ay napasok din siya sa pulitika. Siyam na taon siyang nanilbihan bilang konsehala sa Maynila, pero nang sumubok siya sa mas mataas na posisyon, gumuho ang kanyang mundo matapos siyang matalo.

Pero pinabulaanan ni Cita na dahil dito ay namumulubi na siya at nanlilimos na lamang sa lansangan. Pero aniya, totoong nagkaroon siya ng mental health problems at na-diagnose sa pagiging bipolar.

“It all started there (natalo sa eleksyon noong 2007) and it really hit me that hard. Since then parang ayokong makipag-usap sa ibang tao.

“I kept all my emotions to myself. Kaya nga siguro tumindi ang depression ko kasi wala akong mahingahan ng sama ng loob at mga frustrations ko.

“The reason ako nagpagala-gala sa Manila was because ayokong nasa bahay lang ako. My house was being robbed every day at binabatu-bato pa ng mga bata roon.

“Kapag sinusumbong ko sa pulis, hindi sila naniniwala sa akin. Sinasabi nila na nababaliw lang daw ako. Kaya that added sa mga nararamdaman ko.

“I was always that person na very vocal and masayahin. Napakaprangka kong tao. I always spoke my mind. Pero noong na-depress ako, nag-iba bigla lahat. Parang bumaligtad ang buhay ko ng 360 degrees.

“But now, I am glad to say that I am getting better. I am taking medication para ma-balanse ang sistema ko. Malaking tulong ang mga gamot ko to really put me in the right place,” pahayag ni Cita.

Kaya naman, naging emosyonal ang cast members ng “Home Along Da Riles” nang mag-reunion sila kamakailan lamang.

Naging mas naging masaya at makabuluhan ang muli nilang pagkikita nang dumating si Cita.

Sa isang video reel na ibinahagi ni Claudine Barretto sa kanyang social media, mapapanood kung paano naging madrama ang pagdating ni Cita sa Home Along reunion.

Mahigpit ang yakap ni Claudine kay Cita pati na rin ang mga original na cast members na sina Smokey Manaloto, Maybeline Dela Cruz, Gio Alvarez, Vandolph, Boy2 Quizon at Nova Villa.

“Welcome back, Cita Astals! The family was lost for a while, but now it’s back,” ang caption ni Claudine sa kanyang Instagram post.

“Ito na o, paunti-unti, pa-kumpleto na kami,” sabi pa ni Claudine sa video.

Sabi naman ni Maybeline sa video, “Lahat sila nagtatanong where’s Tita Cita. Finally noong nakita ko ‘yung reaction nu’ng mga kapatid ko sa ‘Home’ sila Tita Nova (Villa) nandoon pa rin ‘yung closeness, nandoon pa rin ‘yung warm ng bawat isa.”

Pahayag ni Smokey, “Noong niyakap namin siya, parang kahit na walang salita na lumalabas, naiintindihan namin. Naiintindihan namin siya.”

“The family was lost for a while, but now it’s back,” ang mensahe naman ni Gio Alvarez.

“Thank you for the effort of finding me,” sabi ni Cita sa mga dating kasamahan.

Dagdag ni Nova: “Ang importante happy tayong lahat. Buo ang pamilya.”

“Alam ko na nanonood sa amin si tatay (Dolphy) na … masayang masaya siya,” sabi ni Claudine.

Na sinundan ni Vandolph ng patotoo.

Napanood ang “Home Along Da Riles” sa ABS-CBN mula early ’90s hanggang early 2000s. Pumanaw si Mang Dolphy o Rodolfo Vera Quizon, Sr. noong July 10, 2012 sa edad na 83.

Ito’y matapos makipaglaban ang Hari ng Komedya sa chronic obstructive pulmonary disease sa loob ng limang taon.

Sa ngayon, tahimik ang buhay ni Cita sa isang inuupahang bahay sa Dasmariñas, Cavite, malayo sa ningning at kinang ng showbiz.

Pero nang tanungin siya kung handa ba siyang bumalik sa pag-arte para sa isang reunion film para sa “Home Along da Riles,” mabilis ang tugon ni Cita: “For Home Along, why not?! Sentimental value yan e. That will be nice,” aniya.

Para sa isang matalinong artista tulad ni Cita, bukas na bukas pa ang pintuan ng showbiz.

AUTHOR PROFILE