CIA

‘CIA with BA,’ may babala sa pet owners

August 29, 2023 Ian F. Fariñas 244 views

“‘Pag nag-alaga ka ng kahit anong klaseng animal or pet, responsibilidad mo ‘yon!”

Ito ang binitiwang salita ni Senador Alan Peter Cayetano nang talakayin ng public service program na CIA with BA ang mga responsibilidad ng mga nag-aalaga ng hayop — lalo na ng mga aso — sa huli nitong episode.

Sa segment na ‘Payong Kapatid’ nitong Linggo, Agosto 27, isang nagngangalang Josefina Macaranas Esteban ang dumulog sa magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano matapos makagat ng aso ng kapitbahay na si Sheena noong nakaraang buwan.

Ayon kay Josefina, nung una ay pumayag ang may-ari ng aso na sagutin ang kanyang mga bayarin sa pagapagamot, kasama na ang anti-rabies vaccine, na umaabot sa halagang P15,000.

Pero ‘di kalaunan, sinabi ni Sheena na hindi niya ito kayang bayaran kaya naman hiniling ni Josefina na sagutin na lamang kahit kalahati.

Sa kabutihang palad, dumulog siya sa mga tamang tao dahil si Sen. Pia ang naglathala ng Anti-Rabies Act noong taong 2007.

“Nu’ng ginawa po natin ‘tong batas na ‘to, siyempre conscious po tayo at that time na we are one of five countries in the world na meron pang rabies,” pagbabahagi ng senadora.

“Sabi nga, ‘dog is a man’s best friend,’ so ang purpose natin is how do we create an environment na itong best friend daw ng tao (ay) hindi naman nakakasakit sa iba.”

May bahagi ang nasabing batas na iniisa-isa ang mga responsibilidad ng pet owners at kabilang rito ay “to be sure that the dog is not allowed to roam around the street or any public place without a leash.”

“So the fact na, sa harap man ng bahay niya pero sabi mo nasa sidewalk na at wala siyang tali, ‘yon ay violation na,” sabi ni Pia.

“Tapos the law goes on to say na ang isang tao, kung ang aso niya ay makakagat sa… katulad mo… siya talaga magbabayad ng medical (expenses) no’n. Clear din ang batas natin diyan, kumpleto ’tong batas na ‘to, I’m very proud of it. Kasi sa batas na ‘to, ‘pag ayaw mong bayaran, may multa ka pang P25,000,” pagpapaliwanag niya. “So technically may plus 25k pa siya (Sheena) na utang.”

Para naman kay Sen. Alan: “Pwede ka talagang mag-claim ng danyos pagka may ginawa sa’yo na nakasakit. Ang maganda dito (sa batas na ito), may amount na tapos may dahilan na.”

“And by the way, iba ‘yung ayaw magbayad sa hindi kaya kasi basta’t may properties ka, kahit na wala kang cash… ibang-iba ‘yon kapag walang-wala ka talagang ibibigay, ‘yung zero ka talaga,” diin pa niya.

“The law is on your side,” patapos na sinabi ni Pia habang sinisiguro kay Josefina na may abogado na tutulong sa kanya.

Ang CIA with BA ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, yumaong ama ng magkapatid na senador.

Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at host ng sikat na programang Compañero y Compañera noong 1997 hanggang 2001.

‘Wag palagpasin ang CIA with BA kasama sina Alan, Pia at ang award-winning TV host na si Boy Abunda tuwing Linggo ng gabi, 11:30, sa GMA-7.

AUTHOR PROFILE