
Christopher ‘masarap’ na asawa — Gladys
MAGANDA ang pasok ng 2025 para sa primera kontrabidang si Gladys Reyes na hindi lang busy sa TV at movie career kundi maging sa restaurant nilang That’s Diner ng mister na si Christopher Roxas.
Sa get-together lunch ng mag-asawa kasama ang entertainment media sa That’s Diner, Sta. Lucia Mall branch, inisa-isa ni Gladys ang kanyang mga proyekto ngayong taon.
Una, may dalawa siyang pelikula para sa Netflix. Makakasama niya sa unang movie sina Sue Ramirez at Khalil Ramos sa direksyon ni Marla Ancheta (direktor ng ‘Doll House’) habang ang pangalawa naman ay maituturing umanong iconic dahil sa pagsasama-sama ng lahat ng mga artista sa pelikula.
Ani Gladys, may pinirmahan siyang NDA (non-disclosure agreement) kaya hindi pa siya makapagkwento tungkol sa ikalawang Netflix film.
Ang clue lang na ibinigay niya ay, “Basta pinagsama-sama nila kaming lahat, hahaha!”
Meron din daw siyang sisimulang bagong serye sa Kapuso network, ang “Cruz vs. Cruz,” kung saan makakasama niya si Vina Morales sa kauna-unahang pagkakataon.
Excited si Gladys sa soap na ididirek ni Gil Tejada Jr. dahil pareho silang title roler ni Vina rito.
Nakapag-story conference na raw sila at kabilang din sa cast sina Neil Ryan Sese, Elijah Alejo, Pancho Magno, Kristofer Martin at iba pang Sparkle artists.
Sa gitna ng ka-busy-hang ito, pinasok na rin ni Gladys ang pagba-vlog sa YouTube. “Late bloomer” man, pawang bigatin naman ang celebrity guests ng kanyang “Gladys to be with You” vlogs sa Gladys Reyes YT channel.
Ilan sa mga naka-one-on-one na niya ay ang Diamond Star na si Maricel Soriano, Eugene Domingo, Carmi Martin, Ryan Bang, atbp. May requests ding mag-one-on-one sila ni Judy Ann Santos, Angelu de Leon at siyempre, ni Christopher pero ang mga anak nila ang magbabato ng mga tanong.
Speaking of Christopher inihalintulad ni Gladys ang asawa sa classic supreme bulalo ng That’s Diner na all-time favorite niya.
Ang sikreto umano sa matatag nilang 32-year marriage ay ang pagiging “masarap” na asawa nito.
“Parang si Christopher din ang mga bulalo dito sa That’s Diner, pwedeng sizzling, pwede rin naman siya minsang kare-kareng bulalo at bulalo pares. Thirty-two years of togetherness, para sa ’kin ano, anong sikreto? Importante meron kang masarap na aaswa. Ah, teka lang! Masarap in such a way na masarap magluto, masarap magmahal, masarap mag-asikaso, so in totality, masarap na asawa, hahaha!
“Si Christopher sabi ko nga minsan may sipa, may anghang, merong tamis paminsan, pero minsan din may asim. Siyempre, may mga times na maasim kayo sa isa’t isa, probably stressed sa work, kulang sa pahinga, hindi kayo masyadong nag-uusap. Pero in totality, it all goes back du’n sa classic na bulalo na bigla kayong… sabi nga niya lagi niyang naaalala ‘yung hitsura ko noong (nasa) ‘Mara Clara’ kami, parang lagi lang siyang bumabalik du’n,” tsika ni Gladys.
Salo naman ni Christopher, “Ibig sabihin … babalikan mo lang parati ’yung paano (kayo) nagsimula.”
Para ngang ’yung bulalo lang sa That’s Diner (bulalo kansi, bulalo kare-kare, bulalo classic supreme, atbp.) na iba-iba man ang latag, eh, paborito pa ring balik-balikan ng customers.
Anyway, bukod sa Sta. Lucia, may branch din ang That’s Diner sa San Pedro, Laguna.