Christmas gifts para sa mga senior citizen sa Maynila, ipapamahagi na

December 13, 2022 Edd Reyes 115 views

MATAPOS ang pagwawakas ng pamamahagi ng Christmas gift boxes, inanunsyo na ni Manila Mayor Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan ang pagsisimula ng distribusyon ng regalo para naman sa mga senior citizen simula Miyerkules, Disyembre 14, 2022.

Sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na tatanggap ng Christmas gift boxes na naglalaman ng kape, tumbler at cookies ang may 170,000 senior citizens mula sa 897 barangay na magmumula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

“Sa Dec. 14 and 15 ay isusunod naman ang pamimigay natin ng ating mga regalo sa ating mga senior citizens. Kaya sa ating mga nanay at tatay, lolo at lola, abangan nyo po kami, abangan niyo po ang munting regalo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila,” ang naging pahayag ni Mayor Honey sa seremonya ng pagpupugay sa watawat noong Lunes ng umaga.

Inaasahan na pangungunahang muli nina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo ang pamamahagi ng mga kahong naglalaman ng regalo sa mga matatanda tulad ng kanilang ginawa nang ipamahagi sa may 695,000 pamilyang naninirahan sa Lungsod ng Maynila ang Christmas food boxes.

Sa loob ng halos dalawang linggong pamamahagi ng Noche Buena food packs na naglalaman ng bigas, spaghetti noodles at sauce, corned beef, gatas, keso, at fruit cocktail sa halos 700,000 pamilya sa Lungsod ng Maynila na nagsimula noong Disyembre 1, personal itong pinangasiwaan ng alkalde at bise alkalde hanggang sa maaabot nila ang target na petsa ng pagtatapos ng Disyembre 12.

“Kahit araw-araw namin itong ginagawa, hindi ho kami magsasawa dahil para po ito sa inyo. Ito po ang aming pamamaraan para pasalamatan kayong lahat sa patuloy ninyong pagtitiwala sa ating pamahalaan. Sa pagtatapos ng labing dalawang araw ng pagbibigay ng Pamaskong Handog ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, ang aming dalangin para sa bawat pamilyang Manileño ay kaligayahan na sama-samang magdiwang ng Pasko at kasaganahan sa parating na Bagong Taon,” pahayag pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

AUTHOR PROFILE