
CHR suportado Child Support Bill ni Tulfo
SUPORTADO ng Commission on Human Rights (CHR) ang inihaing panukalang batas ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo.
Sa panayam kay CHR Comm. Faydah Dumarpa sinabi nito na inaabangan ng Komisyon ang pagsasabatas ng House Bill 8987 o ang “An Act Punishing the Willful Failure to Pay Paternal Child Support”.
“This will help a lot of single moms na makakakuha ng sustento sa kanilang ex para sa anak nila,” ani Dumarpa.
Ayon sa nasabing panukalang batas na inihain ni Tulfo noong nakaraang taon lang, anim na taong pagkakakulong ang parusa sa sinumang ama na ayaw sustentuhan ang anak bagamat may hanapbuhay naman.
Paliwanag ni Dumarpa ang hindi pagsustento sa anak ay paglabag sa karapatang pantao ng bata na papasok sa “Violence Against Women and Children” o VAWC sa ilalim ng economic deprivation.
“Maraming single moms ang lumalapit sa amin at humihingi ng tulong para habulin ang kanilang dating asawa o partner para sa sustento ng anak,” ani Dumarpa.
Ang HB 8987 ay lusot na sa House Committee on Child wWelfare at nasa Appropriations Committee na para pag-aralan ang pondo na ilalaan sa nasabing batas dahil kailangan din magtatag ng isang opisina sa DSWD para mangasiwa sa child support.
Kasama ni Tulfo ang ilan pang mambabatas bilang co-author ng nasabing panukalang batas.
Labis-labis naman ang pasasalamat ni Tulfo sa suporta na ipinahiwatig ng CHR. “Malaking tulong ang suporta ng CHR, knowing na nasa likod natin at ng mga single moms ang ahensyang ito,” aniya.