Chopper ni Bong Go muntik sumalpok sa windmill sa Rizal
SA ikatlong pagkakataon ay muling nalagay sa bingit ang buhay ni Senator Christopher “Bong” Go matapos na muntik nang sumalpok sa windmill sa Pililla, Rizal ang sinasakyang helicopter ng kanyang team habang patungo sa Mabitac, Laguna para mamahagi ng ayuda sa mga residente at pasinayaan ang bagong Super Health Center doon noong Lunes.
Nabatid na habang papunta sa event, napilitan ang kinalululanang helicopter ni Go na mag-emergency landing sa Pililla, Rizal, dahil sa malalang kondisyon ng panahon.
“Napilitan ang aming piloto na mag-emergency landing sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Pililla, Rizal dahil sa zero visibility. Sa sobrang lakas ng ulan at kapal ng fog, muntik na naming mataman ang windmills doon,” ang kuwento ni Go.
Pangatlong pagkakataon na ito na muntik nang madisgrasya si Go dahil sa pagtupad sa tungkulin bilang lingkod-bayan.
“Ang Diyos ay mabuti sa lahat ng oras. Basta maganda ang layunin mo, hindi ka Niya pababayaan. May good karma talaga ang pagtulong sa tao,” aniya.
“Kapag oras mo na, oras mo na talaga. Salamat sa Diyos dahil sa kanyang pagprotekta sa amin,” idinagdag niya.
Sinabi ni Go, gayunman na hindi siya natatakot mamatay habang nagseserbisyo para sa mga Pilipino, lalo sa mga mahihirap. Naniniwala siya na isang malaking karangalan ang mabuhay at mamatay habang nagsisilbi para sa bayan.
Sa kabila ng nangyari, nanatiling nakatuon si Go na maihatid ang mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa sambayanang Pilipino. Nagbigay pa rin siya ng kanyang talumpati sa harap ng mga residente ng Mabitac sa pamamagitan ng video call.
Binanggit niya ang malaking maitutulong ng Super Health Center para mabawasan ang occupancy sa mga ospital at mailapit ang mga pangunahing serbisyong medikal sa grassroots.
Ang Super Health Centers ay nagbibigay ng primary care, medical consulations at maagang pagtuklas sa mga sakit. Pinalalakas din nito ang healthcare sector sa mga komunidad.
“Sa mga itinayo na Super Health Centers, nakita namin kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa komunidad, lalo sa rural areas. ‘Yun po ang layunin ng mga Super Health Centers, ang ilapit sa mamamayan ang serbisyong medikal ng gobyerno,” sabi ni Go.
Target na makapagtayo ng 700 Super Health Centers sa buong bansa, kabilang ang 13 sa Laguna.
Pinasalamatan ng senador ang pamahalaang panlalawigan at lokal sa kanilang masigasig na pagsisikap upang maisakatuparan ang Super Health Center. Partikular niyang pinasalamatan sina dating Congressman Benjie Agarao, Congresswoman Jam Agarao, Governor Ramil Hernandez, Vice Governor Karen Agapay, Mayor Alberto Reyes, at Vice Mayor Ronald Sana, at iba pa.
Sa inagurasyon, may kabuuang 80 barangay health workers (BHWs) at 210 local government unit employees ang nakatanggap ng grocery packs, meryenda, kamiseta, foldable fan, basketball, at volleyballs.
Pinayuhan niya ang mga residente ng Mabitac na gamitin ang tulong na ibinibigay sa alinmang Malasakit Centers na nasa lalawigan, partikular sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz at San Pablo City General Hospital.