Chiz: Pagbabalik ni Veloso salamin ng dedikasyon ng gov’t na protektahan OFWs
HINIKAYAT ni Senate President Francis Chiz Escudero ang pamahalaan na magpatupad ng mas malalaking hakbangin upang matugunan ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nakakulong sa ibang bansa, kasunod ng repatriation ni Mary Jane Veloso.
Sinabi ni Escudero na ang pagbabalik ni Veloso ay sumasalamin sa dedikasyon ng administrasyon na protektahan ang mga OFW at dapat magsilbing paalala sa gobyerno na pagtuunan ang mga katulad na kaso sa buong mundo.
“Ako’y umaasa na ang repatriation ni Mary Jane ay una lamang sa marami pang Pilipinong nasa parehong kalagayan sa iba’t ibang panig ng mundo,” ani Escudero, habang pinuri niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang administrasyon para sa kanilang pagbigay suporta sa mga OFW.
Binigyang-diin niya na kailangang siguruhin ng gobyerno na maramdaman ng mga manggagawa ang “mahabang kamay ng gobyerno” na nagpoprotekta at tumutulong sa kanila, lalo na sa harap ng mga hamong malayo sila sa kanilang pamilya at komportableng kalagayan.
Pinunto rin ni Escudero ang kahalagahan ng pagkakaroon ng koordinasyon mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa ibang bansa sa pagtugon sa mga isyung ito.
Hinikayat niya ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kumilos agad upang tukuyin at tulungan ang mga Pilipinong nakakulong sa ibang bansa.
“Magtanong tayo sa DFA – gaya ng ginagawa ko ngayon – na magkaroon ng imbentaryo at accounting ng mga Pilipinong nakakulong sa ibang bansa… ang uri ng kaso laban sa kanila, ano ang nagawa o maaaring gawin para sila ay makalaya, paano natin matutulungan na gawing mas matiwasay ang kanilang kalagayan habang nakakulong,” ani Escudero.
Binigyang-diin ng senador na ang pagtugon sa mga suliraning ito ay hindi lamang dapat responsibilidad ng DMW kundi ng lahat ng embahada at konsulado ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
Iminungkahi rin ni Escudero ang pakikipagkasundo para sa mga kasunduan sa pagpapalit ng mga bilanggo upang ang mga Pilipinong nahatulan ay maaaring pagsilbihan ang kanilang sentensya sa Pilipinas at makalapit sa kanilang mga pamilya.
“This should be the primary function not only of our DMW but all embassies and consulates abroad,” dagdag pa niya.
Sa ngayon, wala pang tugon ang DFA sa apela ni Escudero na magbigay ng detalyadong ulat tungkol sa mga Pilipinong nakakulong sa ibang bansa at ang posibilidad ng mga kasunduan para sa pagpapalit ng mga bilanggo sa pagitan ng mga gobyerno.