Chiz

Chiz: Korte may tamang jurisdiction kay Alice Guo

September 8, 2024 PS Jun M. Sarmiento 106 views

KORTE ang may tamang hurisdiksyon sa kustodiya ng sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo na nahaharap sa iba’t-ibang kasong kriminal, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Ayon kay Escudero, bagama’t naglabas ang Senado ng warrant of arrest laban kay Guo dahil sa contempt, ang warrant ng korte ang may mas mabigat na kapangyarihan na dapat irespeto.

“Mas mataas ang warrant na ini-issue ng korte,” paliwanag ni Escudero. Iginiit niya na mas mataas ang degree ng utos ng korte kaysa sa mga inisyu ng mga sangay ng lehislatura gaya ng Senado.

Lumutang ang isyung ito matapos maglabas din ng warrant of arrest ang Regional Trial Court (RTC) ng Tarlac laban kay Guo.

Sa kabila ng kautusan ng korte, nananatiling mahalagang personalidad si Guo sa mga pagdinig ng Senado, partikular na sa mga pinangungunahan ni Sen. Risa Hontiveros.

Pinagtibay ni Escudero na sinunod ng Senado ang tamang proseso sa pamamagitan ng paghingi ng pahintulot sa korte upang makadalo si Guo sa mga pagdinig.

“Sumulat ka sa korte at hingin ang presensya ni Mayor Guo sa Senado kung kailan man ‘yong petsa ng hearing mo,” sabi ni Escudero kay Sen. Hontiveros.

Binigyang-diin din niya na hindi ito isyu ng magkatunggaling hurisdiksyon kundi ng pagsunod sa tamang proseso.

Kapag natapos ni Guo ang kanyang testimonya sa Senado, babalik siya sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) alinsunod sa commitment order ng korte.

Binanggit din ni Escudero na kahit bailable o pwede mag piyansa ang mga kaso laban kay Guo, pinili nating hindi magpiyansa na nagdulot ng espekulasyon tungkol sa kanyang legal na estratehiya.