Cayetano

Chiz, Alan nanguna sa senatorial survey

April 27, 2022 People's Tonight 105 views
Chiz
Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero

PATULOY na namayagpag sa senatorial survey si dating Speaker Alan Peter Cayetano na pumangalawa sa pinakabagong survey na isinagawa ng Publicus Asia mula Abril 19 hanggang 21.

Napanatili ni Cayetano ang mataas na rating sa senatorial survey sa kabila ng kanyang eco-friendly campaign kung saan nagdesisyon itong hindi gumamit ng anomang poster sa kampanya para matulungan ang kalikasan.

Nakakuha si Cayetano ng 42.6 porsiyento na suporta sa 1,500 respondents habang nasa unahan si Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero sa kanyang 46.8 porsiyento at 40.5 porsiyento naman sa pumangatlong si reelectionist Sen. Sherwin “Win” Gatchalian na mayroong 40.5 porsiyento.

Matatandaang pinangunahan ni Cayetano ang pagkakaloob ng P10,000 ayuda sa bawat pamilyang Pilipino upang matulungan sa krisis na dulot ng coronavirus disease-19 (COVID-19) pandemic.

Naniniwala si Cayetano na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan na pagkalooban ng 10 K ayuda ang kada pamilyang Pilipino upang mabigyan ng magandang tulong ang mga ito.

Sa ilalim ng liderato ni Cayetano bilang Speaker, pinamunuan nito ang pagsasabatas ng Bayanihan 1 at 2 upang pigilan ang pinakamalalang epekto ng pandemya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pag-asa, ayudang medikal, tulong sa mga negosyo at cash lalong-lalo na sa pinakamahirap na sektor ng lipunan.

Narito pa ang ibang resulta ng senatorial survey, Antique Rep. Loren Legarda (39.1 percent), broadcaster Raffy Tulfo (38.5 percent), dating Public Works and Highways Sec. Mark Villar (33.1 percent), Sen. Ana Theresia “Risa” Hontiveros (31.9 percent) at actor Robin Padilla (31.5 percent).

Mula sa unang puwesto, napunta sa ika-apat si Legarda nang mabawasan ng 4.2 porsiyento.

Umangat naman si Padilla ng 5.8 porsiyento kumpara sa huling survey noong kaagahan ng Abril at lumampas na sa 30 porsiyentong marka.

Sumunod naman kay Padilla sina reelectionist Senate Majority Leader Migz Zubiri, dating Quezon City Mayor Bistek Bautista, Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno, reelectionist Sen. Joel Villanueva, dating Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, Atty. Larry Gadon, dating Defense Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro Jr., reelectionist Sen. Richard “Dick” Gordon, dating Palace spokesman Harry Roque Jr., dating vice president Jejomar “Jojo” Binay, dating Sen. Joseph “Jinggoy” Estrada, dating Philippine National Police chief Guillermo Lorenzo Eleazar, at dating Information and Communications Technology Sec. Gregorio “Gringo” Honasan.

“The movements during this survey round appear to be making competition more fierce in the Competitive Zone with an average preference of 24.9 percent. There are now 13 candidates — from the 9th to 21st places — who appear to be within striking distance of the final four Senate seats,” anang Publicus Asia.

AUTHOR PROFILE