Chinese nat’l na nagtago tiklo
NAGWAKAS ang pagtatago ng 25-anyos na Chinese national na kabilang sa mga tinutugis ng batas matapos masukol ng pulisya Martes ng gabi sa Parañaque City.
Kinilala ni Southern Police District Director P/BGen. Roderick Mariano ang nadakip na dayuhan na si Chenglong Xu, na nagtago na sa batas nang masangkot sa kaso ng pagdukot sa kanyang kababayan.
Natunton ng mga tauhan ng Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion ng SPD ang akusadong dayuhan matapos ang puspusang pagsasagawa ng intelligence monitoring at surveillance operation sa mga lugar na madalas niyang puntahan.
Sinabi ni Mariano na naisilbi ng maayos ng kanyang mga tauhan ang inilabas na warrant of arrest ni Parañaque Regional Trial Court Presiding Judge Leilani Marie N. Dacanay-Grimares ng Branch 294 laban sa dayuhan, para sa kinasasangkutang kaso ng kidnapping at serious illegal detention sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code na naamiyendahan ng Republic Act 7659, matapos siyang matiyempuhan dakong alas-6:30 ng gabi sa Quirino Avenue sa Barangay Tambo.