Jalbuna Ang chief phtographer ng Saksi Ngayon na si Jonathan Santiago “Jhay” Jalbuna

Chief fotog ng ‘Saksi Ngayon’ kabilang sa 50 Remarkable Alumni Herons Awards 2022

April 22, 2022 Marlon Purification 218 views

MATAGUMPAY ang isinagawang “50 Remarkable Alumni Herons Awards 2022” na nagbigay pagkilala at pagpupugay sa mga natatanging alumni ng University of Makati (UMAK) bilang bahagi sa pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng pagkatatag ng unibersidad sa Makati City nitong Huwebes, Abril 21.

Kabilang sa mga tumanggap ng pagkilala at parangal dahil sa kanyang pagiging malikhain at masigasig sa trabaho ang chief photographer ng Saksi Ngayon na si Jonathan Santiago “Jhay” Jalbuna, na isa sa mga alumni ng UMAK na nagtapos ng Bachelor of Science in Accountancy noong 1997 at naging presidente ng Student Central League (SCL)

Malugod at personal na tinanggap ni Jalbuna ang Plaque of Recognition mula kina Ginang Aurora F. Serrano, Vice President for Finance; Engr. Luke Ivan Moro, University Secretary; at Dr. Ederson D.T. Tapia, Vice President (VP) for Planning and Research and Dean, College of Continuing, Advanced & Professional Studies (CCAPS); at Prof. Gil Tabbu, VP for Student Services and Community Development.

Si Jalbuna ay naging pangulo ng Press Photographer of the Philippines (2017-2018) at nagsilbing director ng Presidential Photographer Association of the Malacañan Palace noong 2002.

Ang mga kahanga-hangang kuhang larawan ni Jalbuna ay malawak na ginamit sa mga pahayagan tulad ng Abante, Abante Tonite, at Saksi Ngayon.

Nagwagi rin siya ng ilang pagkilala sa kanyang trabaho tulad ng nakamit nitong dalawang beses na “Photographer of the Year” awards na iginawad ng Monica Publishing Corporation, Honorable Mention (Professional Division) PPP, PPPF & YKL Nationwide Photo Contest on the Centennial Celebration and National Election 1998, Best News Photo, Peace Awards 2015 (Print Category), Universal Peace Federation International, Grand Slam Winner Philippine Racing Commission (Philracom) Photo Contest 2015, at 1st Placer National Collegiate Athletic Association (NCAA) Photo Contest 2016.

Ang kanyang patuloy na tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon ng kanyang mga kapwa photojournalist sa bansa at ng iba pang mga nagnanais na sumunod sa kanyang yapak.

Lubos na nagpapasalamat si Jalbuna sa pamunuan ng UMAK sa ipinagkaloob na parangal at pagtitiwala sa kanya gayundin sa walang sawang suporta at pagmamahal ng kanyang pamilya.