Chelsea

Chelsea kauna-unahang Miss Universe Asia

November 17, 2024 Vinia Vivar 133 views

Bagama’t bigo kahapon ang Pilipinas na maiuwi ang korona sa 73rd Miss Universe pageant sa Mexico City, nagbigay-karangalan pa rin ang ating kandidata na si Chelsea Manalo matapos itong pangalanan bilang kauna-unahang Miss Universe Asia.

Sa isang post sa official Facebook page ng Miss Universe Philippines, kinumpirma nila na isa si Chelsea sa Four Continental Queens.

“Hello! Maraming Salamat, mabuhay ang Pilipinas. We are making history as Miss Universe Asia,” saad sa post.

Hanggang sa Top 30 lamang nakapasok si Chelsea at hindi na siya natawag pa sa Top 12.

Needless to say, maraming Pilipino ang nalungkot at nadismaya sa nangyari, pero sa kabila nito ay marami pa rin naman ang nagpahayag ng pagsuporta at pasasalamat kay Chelsea for representing the Philippines.

Isa sa mga nagbigay ng encouraging words kay Chelsea ay si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

“We love you and thank you @manalochelsea,” mensahe ni Pia sa kanyang Instagram Story.

Nagbigay-pugay din si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee kay Chelsea at sinabing ipinagmamalaki pa rin niya ang ating kandidata.

“May agimat ang dugo natin! Mahigpit na yakap Filipinas!! Ipinagmamalaki ka namin @manalochelsea You made us all proud,” sey ni Michelle.

Si Victoria Kjaer Theilvig ng Denmark ang itinanghal na Miss Universe 2024.

Si Chidimma Adetshina ng Nigeria naman ang first runner-up habang si Maria Fernanda Beltran Figueroa ng Mexico ang second runner-up. Third runner-up si Opal Suchata Chuangsri ng Thailand at fourth runner-up naman si Ileana Marquez Pedroza ng Venezuela.

AUTHOR PROFILE