Francisco Ipinakita ni P/Brig. Gen. Leo Francisco ang ginawang ‘Simultaneous Exercise’ (SIMEX) at mga checkpoint operations ng MPD (Manila Police District) kay PNP-OIC P/Lt. Gen. Vicente Danao Jr., P/Maj. Gen. Valeriano de Leon at NCRPO Chief Maj. Gen. Felipe Natividad matapos ang ocular inspection sa National Museum sa P. Burgos St., Ermita Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes

Checkpoints nakalatag na para sa inagurasyon ni BBM sa Maynila

June 29, 2022 Jonjon Reyes 327 views

MANILA – Bilang seguridad sa idaraos na proklamasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa National Museum sa Padre Burgos Street sa Ermita, nailatag na ng Manila Police District (MPD) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga checkpoints at nakaposteng mga tauhan sa mga istratehiyang lokasyon sa Lungsod ng Maynila at mga kalapit lugar.

May halos 13 puwesto ang binuong checkpoints at ito ay itinalaga sa mga sumusunod na lugar: Bgy. 101 sa Mel Lopez Boulevard na dating Road 10 sa Tondo; Juan Luna sa Tondo pa rin sa pamumuno nina P/Lt. Col. Gene Licud ng MPD Station 1 at P/Lt. Col. Harry Lorenzo ng MPD Station 2.

Nagtalaga din ng checkpoint sa Blumentritt malapit sa Dimasalang na sakop ng Sta. Cruz sa ilalim naman ni P/Lt. Col. John Guiagui ng MPD Station 3.

May mga checkpoint din sa Blumentritt sa panulukan ng Altura sa Sampaloc; sa España sa panulukan ng Blumentritt Extension sa pamumuno naman ni P/Lt. Col. Cristito Acohon.

Nakaantabay din ang mga kapulisan sa Ramon Magsaysay Blvd. sa panulukan ng Altura St. sa Sta. Mesa at sa Lubiran Bridge sa Bacood ay may mga checkpoint din maging sa tulay ng Pinglabanan sa ilalim ni P/Lt. Col. Deonelle Brannon ng MPD Station 8.

Limitado naman ang mga papasok at lalabas sa checkpoint sa New Panaderos sa harap ng McDonald’s sa Sta. Ana na hawak ng MPD Station 6.

Ganun din ang kahabaan ng Rizal Avenue sa panulukan ng R. Papa sakop ng Tondo, nakalatag ang mga checkpoint para sa mga manggagaling naman ng Caloocan, Monumento, at Malabon na hahawakan ng MPD Station 7.

Sa Roxas Blvd. malapit sa panulukan ng P. Ocampo St. at sa Taft Avenue sa kanto ng P. Ocampo nakaantabay din ang mga kapulisan ng Malate Police Station 9.

Magkakaroon din ng mahigpit na pagbabantay sa 2nd Street, Bgy. 649 Baseco Compound, Port Area, Maynila at babantayan ng kapulisan na mula naman sa Navotas area, Cavite, at ilang karatig probinsiya na dadaan sa karagatan at dadaong sa nasabing lugar.

Maglalatag din sina P/Lt. Col. Rodel Borbe ng kanilang checkpoint kasama ang mga operatiba ng SWAT, TMRU, at ilang mga Intelligence Unit.

Maging ang perimeter ng National Museum na pagdadarausan ng inagurasyon ni Marcos ay nakaantabay din ang ilang mga opisyales ng MPD sa pamumuno din Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco, kasama ang “Team Paco” na sina P/Col. Raul Tacaca DDA, P/Col. Dario Menor DDO, at P/Col. Arnold Thomas Ibay ng CDDS MPD, at P/Lt. Col. Jonathan Villamor, commander ng MPD Station 5.

Plantsado na rin ang ginawang “Simultaneous Exercise” (SIMEX) ng MPD at iba’t-ibang sangay ng pamahalaan na pinaghandaan isang linggo bago ang napipintong araw ng inagurasyon na dinaluhan nina Philippine National Police Officer-in-Charge (PNP-OIC) P/Lt. Gen. Vicente Danao Jr., P/Maj. Gen. Valeriano “Val” de Leon, at NCRPO Chief P/Maj. Gen. Felipe Natividad.

Tiniyak naman ni MPD District Director Brig. Gen. Francisco na “magiging maayos at payapa” ang gaganaping inagurasyon dahil maiiwasan din ang “kaguluhan” umano mula sa mga magsasagawa ng kilos protesta dahil may itinalagang Freedom Park na maaari nilang pagdausan ng pagtitipon.

Halos nasa 4,500 na mga tauhan ng MPD ang nakahanda na sa makasaysayang proklamasyon ni Marcos sa Hunyo 30 ayon naman kay P/Maj. Philipp Ines ng Public Information Office (PIO) ng MPD.

AUTHOR PROFILE