Charlie

Charlie, Dimples, Jake at Joshua, bibida sa ‘Viral Scandal’

October 20, 2021 Ian F. Fariñas 79 views

Iikot sa mga kwento sa likod ng isang video scandal ang pinakabagong serye ng ABS-CBN Entertainment na pinangungunahan nina Charlie Dizon, Dimples Romana, Jake Cuenca at Joshua Garcia.

Matapos ang kanyang pagkapanalo bilang Best actress para sa Metro Manila Film Festival na Fan Girl noong nakaraang taon, gaganap si Charlie bilang si Rica, isang dalagang masasangkot sa isang viral video. Patutunayan ni Rica at ng kanyang inang si Kakay na gagampanan ni Dimples, na inosente siya sa pumutok na scandal.

Nagtratrabaho bilang isang OFW si Kakay para tustusan ang pangangailangan ng pamilya habang naiwan ang kanyang asawang si Dan (Miko Raval) kasama ang kanilang mga anak.

Nagbubunga naman ang sakripisyo niyang mawalay sa pamilya lalo pa at patapos na ang anak sa apprenticeship nito sa isang architechtural firm at malapit na rin mag-take ng board exam.

Ngunit masisira ang iniingatang pamilya ni Kakay nang mag-viral ang isang video kasama ang anak na si Rica.

Hindi na nagdalawang-isip si Kakay at umuwi ng bansa para harapin ang mga kutya at panghuhusga ng mga tao sa paligid nila.

Hindi naman mag-iisa si Rica sa kanyang pagdadaanan lalo pa at nandyan ang kaibigan at protector na si Kyle na gagampanan naman ni Joshua.

Paano kaya patutunayan ni Rica na isa lang siyang biktima ng pananamantala? Paano naman mapoprotektahan at mapapaglaban ni Kakay ang anak sa mga akusasyong dinidiin dito?

Ano naman kaya ang papel ni Troy Romones (Jake), ang mayor ng Sidero, sa buhay nina Rica at Kakay?

Makakakasama rin sa Viral Scandal sina Jameson Blake, Markus Patterson, Ria Atayde, Maxene Magalona, Aljon Mendoza, Karina Bautista, Louise Abuel, Kaila Estrada, Vance Larena, Gian Magdangal, Arielle Roces at Aya Fernandez.

Abangan ito sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC at TFC IPTV.

AUTHOR PROFILE