
Chairman Acidre: Pangulo ka man o ordinaryong tao, pagpatay ay krimen na dapat bayaran
IGINIIT ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list na dapat pantay na ipatupad ang batas para sa lahat at ang sinumang lumabag dito ay dapat managot.
Ginawa ni Acidre ang pahayag matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Interpol kaugnay ng kinakaharap nitong kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Iginiit ni Acidre na iligal ang extrajudicial killings (EJK) at dapat managot ang mga responsable rito.
“Babalikan ko ulit, ang pagpatay ay krimen. Ilegal ang pagpatay. Ang EJK ay ilegal. Ang sino mang pumatay ay kailangan managot sa batas,” ayon kay Acidre, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sa ginanap na press conference noong Miyerkules
Pinagtibay ni Acidre na ang batas ay pantay-pantay para sa lahat.
“Kahit sino siguro, ma-Presidente man siya o hindi, kung di umano ganyan ang krimen na ginawa nila, I think they should be made accountable for that,” ani Acidre.
Dagdag pa niya, hindi batay sa personal na konsiderasyon ang pagpapatupad ng batas, kundi sa katarungan at katotohanan.
Ang pahayag ni Acidre ay kasunod na rin ng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na ngayon ay haharap sa paglilitis para sa crimes against humanity kaugnay ng libu-libong namatay sa giyera kontra droga.
Binalikan ni Acidre ang mga nakapanlulumong kwento ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK), kabilang ang ilang inosenteng nadamay sa karahasan ng kampanya laban sa droga.
“May alam ako na isang lola na napatay sa isang operation, ‘yung apo niyang 3 years old sa araw ng birthday ng batang iyon. Kasi iniwan niya ‘yung bata kasi ‘yung lola bumili ng pampansit. Pag-uwi niya tadtad na ng bala ‘yung bahay,” aniya.
Ikinuwento rin niya ang sinapit ng isang kabataan na nakasaksi sa brutal na pagpatay sa kanyang buong pamilya.
“Meron akong kilala na EJK victims 17 years old na siya ngayon. At that time na pinatay ang buong pamilya niya, halos 5 years ago, 11-12 siya. Pinatay sa harapan niya yung tatay, ang kapatid niyang lalaki at yung nanay niya. These are sad stories,” saad ni Acidre.
Higit pa sa trahedya ng mga pagpatay, binigyang-diin ni Acidre na ang pinakamasakit para sa mga pamilya ng biktima ay ang kawalan nila ng pagkakataon na makamit ang hustisya sa Pilipinas, dahilan kaya’t napilitan silang lumapit sa international tribunal.
“What even makes it sadder, mas nakakalungkot na noong pitong taon na dumaan, they had no choice but to pin their hopes on a foreign court,” wika pa nito.
Binatikos din niya ang mga nagsasabing ang pakikipagtulungan sa ICC ay pagsuko ng soberanya ng bansa.
“Ngayon kinukutya na we are surrendering our sovereignty. Pero kung isipin mo, mas nakakalungkot kung ikaw nasa side ng kapamilya na napatay na kailangan mong umasa sa isang korte na sobrang layo, na hindi mo makuha yung inaasam mong katarungan dito mismo sa bansa natin,” aniya.
Iginiit ni Acidre na matapos ang pitong taon ng paghihintay, sa wakas ay nagkaroon ng pag-asa ang mga pamilya ng mga biktima nang maaresto si Duterte.
“Kahapon (Tuesday) dumating ‘yun. At alam kong may trial pa na susunod at meron pang pagkakataon,” dagdag niya.
Pinunto rin niya na may pagkakataon si Duterte na ipagtanggol ang sarili sa ICC.
“Kahit si former President Duterte may pagkakataon din siyang i-defend ang sarili niya,” banggit pa ng mambabatas.
Sa kabila ng mga political debates ukol sa kaso, hinimok ni Acidre ang lahat na pagtuunan ng pansin ang tunay na isyu – ang mga buhay na nawala sa madugong giyera kontra droga.
“Let’s not reduce this to a political narrative. Let’s not just look at the political motives of whosoever,” giit pa ni Acidre.