Ncliza

Chair Liza, tatlong taon pa magsisilbi sa FDCP … librong ‘PH Movie Confidential’ ng beteranong editor/columnist, inilunsad

March 10, 2022 Ian F. Fariñas 271 views

IKINATUWA ng maraming taga-showbiz ang balitang na-extend ng tatlong taon ang termino ni Liza Diño-Seguerra bilang chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Isa ito sa mga naging usap-usapan sa katatapos na launching ng librong PH Movie Confidential ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) adviser at beteranong entertainment editor/columnist na si Nestor Cuartero, na inorganisa ng FDCP (katuwang ang SPEEd) sa Cinematheque Centre Manila nu’ng Martes.

Ang PH Movie Confidential, na pinublish ng Ultimate Learning Series ni senatorial aspirant Dr. Carl Balita kasama ang FDCP, ay naglalaman ng mga insight, informative at entertaining anecdote na naipon ni Tito Nes bilang entertainment editor/writer sa loob ng anim na dekada.

Anyway, nang tanungin tungkol sa term extension, nilinaw ni Chair Liza na maaari pa itong i-contest ng susunod na administrasyon.

Co-terminus kasi sa termino ng Pangulo ang appointive position ng FDCP chief.

Magkagayunman, masaya si Chair Liza sa pangyayari dahil, kumbaga, ngayon pa lang “namumunga” ang iba’t ibang programa na sinimulan niya sa ahensiya.

Sa isang previous interview, nasabi na niya na, “If I will be given the chance to continue, I would love to continue. Only because I believe that there is much to be done. Iba rin ’yung fulfillment na nabigay sa akin ng pagiging head ng FDCP. So, I would love to stay. Pero kung anuman, whether I stay o talagang this is the end of my term, I will accept it wholeheartedly.”

Sa totoo lang, maluwag naman daw tatanggapin ni Chair Liza ma re-appoint man siya o hindi.

Ang extension ng paninilbihan sa FDCP kasi ay nangangahulugan na made-delay muli ang plano nila ng partner na si Ice Seguerra na magkaroon ng baby.

Nang tanungin si Chair Liza tungkol dito, ang bukod-tanging naisagot niya ay, “’Yun na nga!” sabay tawa.

Sa tinanggap na congratulatory greetings mula sa entertainment writers na dumalo sa PH Movie Confidential book launch, ito pa rin ang feeling ng pinuno ng FDCP: “Siyempre happy ako. Ang sarap ng feeling na parang na-appreciate ‘yung ginagawa mo. And it’s not just me kasi collective effort ito lalo na sa team namin na ‘yung commitment nandoon, ‘yung passion nandoon.”

Bukod kay Chair Liza, na punong-abala nga sa book launch, dumalo rin sa career milestone na iyon ni Tito Nes ang ilang mga kasamahan sa SPEEd at malalapit na kaibigan sa industriya tulad nina Boots Anson-Rodrigo ng Mowelfund, Priscilla Almeda at Jomari Yllana, Sheryl Cruz, Kane Choa ng ABS-CBN Corporate Communications, Unilab team nina Claire de Leon- Papa, Cecile Roxas, Rex Dayao at Dina Visda, Wilson Flores at marami pang iba.

Nagpadala naman ng video greetings sina Charo Santos-Concio, Rep. Vilma Santos-Recto, Piolo Pascual, Dr. Carl Balita, atbp. para batiin at pasalamatan si Tito Nes sa mga naitulong niya sa kanya-kanyang mga karera.

Siyempre, present din ang pamilya ni Tito Nes, sa pangunguna ng misis niyang si Miss Cecile, kasama ang mga anak nila na sina Jao at Isabella.

Ang PH Movie Confidential ay mabibili sa halagang P400. Para sa inquiries at orders, maaaring tumawag sa 0917-8005986. Available rin ito sa mahigit 100 CBRC schools nationwide.

AUTHOR PROFILE