Carpio

Cha-cha reso suportado ni dating SC Justice Carpio

April 3, 2024 People's Tonight 84 views

NAKAHANAP ng kakampi ang mga nagsusulong na amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.

“I support RBH 6 (of the Senate) and RBH 7 (of the House of Representatives),” ani Carpio sa isinagawang consultative session kaugnay sa Cha-cha na inorganisa ng Democracy Watch.

Ang RBH 6 at 7 ay kapwa naglalayong amyendahan ang tatlong economic provisions ng Konstitusyon upang mabigyan ng kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang mga limitasyon kaugnay ng pamumuhunan ng mga dayuhan sa bansa.

Si Carpio ay nauna ng nagpahayag ng pag-aalinlangan sa mga isinusulong na panukalang pagbabago sa Konstitusyon.

Sinabi Carpio na ang kaniyang pagsang-ayon ay sa kondisyon na magkakaroon ng pantay na pagkakataon sa pamumuhunan sa bansa ang mga dayuhan. Ayon sa dating mahistrado, pabor siya sa balanseng pamamaraan kung saan ang mga dayuhan ay bibigyan ng kaparehong pribilehiyo sa Pilipinas tulad ng natatanggap na pribilehiyo ng mga Pilipinong negosyante sa kanilang bansa.

Kapwa layunin ng RBH 6 at 7 na maamyendahan ang Artikulo 12 o ang National Economy and Patrimony, ang Artikulo 14 na may kaugnayan sa Education, Science and Technology, Arts, Culture, at Sports, gayundin ang Artikulo 16 na tumutukoy sa General Provisions.

Ito ay ang pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas sa foreign investments sa pamamagitan ng pagluluwag o pagbibigay ng pagkakataon sa mga dayuhang mamumuhunan na magmay-ari ng public utility, educational institutions, media at advertising, at ilan pa sa pamamagitan ng paglalagay ng salitang “unless otherwise provided by law.”

Binanggit ni Carpio na ang patuloy na pagtanggi ng Senado sa pagkakaroon ng joint session sa usapin ng Cha-cha ay dahil sa pangambang matalo ang mga ito sa gagawing botohan. Aniya, kung magkakasundo ang dalawang kapulungan sa RBH 6 at RBH 7 at mapagtibay ito ay malaki ang tyansa na maisakatuparan ang reporma sa Saligang Batas.

Binigyan diin pa ng dating mahistrado ang kahalagahan ng mga resolusyon sa pagpapabuti ng Public Service Act, lalo’t kinakailangan na maiakma sa pandaigdigang pagbabago tulad ng pag-unlad sa teknolohiya.

Sinabi pa ni Carpio ang kahalagahan ng dayuhang pamumuhunan, lalo na sa sektor ng internet infrastructure, na kinakailangan ng Pilipinas upang makasabay sa pandaigdigang kalakalan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

“I think Charter change advocates started on the wrong footing with the people’s initiative which originated as a revision of the political provisions of the Constitution,” ayon kay Carpio.

Naniniwala din ang dating mahistrado ng Korte Suprema na nabahiran ng pulitika at negatibong pananaw ang isyu ng Cha-cha dahil sa isinulong na people’s initiative.

Sinabi pa ni Carpio na ang pagsunod sa probisyon ng Saligang Batas, kung saan hiwalay na magpupulong at boboto ang dalawang kapulungan, na siyang naangkop sa pagkalap ng kinakailangang 3/4 votes ng kabuuang miyembro ng bawat kapulungan.

Noong Marso ay inaprubahan na ng Kamara ang RBH 7.

Ang RBH 6 naman ay tinatalakay pa sa pagdinig ng subcommittee ng Senado.

AUTHOR PROFILE