Cesar

Cesar, atat mag-shoot ng ‘MoM’

October 29, 2022 Ian F. Fariñas 278 views

SA tantiya ni Cesar Montano, nasa P1 billion na ang kinita worldwide ng blockbuster movie nilang Maid in Malacañang under Viva Films. Posible pa raw itong madagdagan oras na pasukin ng MiM ang streaming platform.

Kinumpirma ng aktor na gumanap sa papel ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang pagkakaroon ng sequel ng MiM, ang MoM (Martyr or Murderer).

Sa pakikipag-usap sa entertainment writers sa katatapos na 70th birthday ni Annabelle Rama sa Manila House, sinabi ni Cesar na, “Honestly, wala pa sa akin ‘yung script kaya ‘di ko malaman.

Basta ‘yun, MoM, hindi ko pa alam kung sinong taong pag-uusapan, but definitely, it’s about Ninoy (Aquino), about me as President Marcos Sr. Pero dito na ‘ata siya mamamatay, eh.”

Nagulat din siya nang malaman ang balitang kinu-consider din sa pelikula ang Kapamilya na si Jerome Ponce bilang young Ninoy.

Ang naririnig lang daw niyang mga pangalan ay kina Phillip Salvador at Herbert Bautista.

Since balita rin na sa February 2023 ito balak ipalabas sa mga sinehan, ani Cesar, “Kaya dapat mag-shooting na talaga kami.”

Para sa aktor, more than the P1-B gross, dapat daw tingnan ang tagumpay ng MiM sa takilya bilang isang magandang precedent.

“Alam mo, more than anything, dapat makita ito ng fellow Filipinos as a door opening for other films, other production na, ‘di ba, after pandemic, after the lockdown, kailan uli manonood ang tao ng pelikulang Pilipino? Kasi okay na tayo sa ano, eh, sa online, manood tayo sa kwarto natin, relaxed tayo, kumportable tayo. Kelan ulit manonood? Pero nangyari ‘to, ‘di ba, it’s a beautiful precedent. Aba, pwede pa rin. Magkaroon ka lang ng pelikulang magiging interesado ang Pilipino, maganda ‘yung marketing, pwede pa ring maano, beating all Hollywood movies,” katwiran niya.

Nang uriratin naman tungkol sa stand niya sa mga K-drama sa ‘Pinas, sinabi ni Cesar na, “Ako, ha, I have nothing against that. That’s good, kultura nila ‘yon, eh. But ako, kung ako masusunod, gusto ko munang mapanood ng young Filipinos ‘yung kultura natin. Kasi para gawin nating proud ang mga kabataan, ipakilala natin ‘yung kultura natin, ‘yung roots nila, ‘yung pinanggalingan natin.

“Ako as a filmmaker, it is my responsibility, it is my commitment to do that,” dagdag ni Cesar na may bagong pelikula, ang The Blood Brothers, na siya mismo ang nagdirek at isa sa mga nag-produce.

Tungkol daw sa Lumad ang nasabing proyekto na mula sa mismong librong The Blood Brothers ni Ronald Adamat.

Kasama rin sina Allan Paule, Victor Neri, Lou Veloso at marami pang iba, naka-schedule itong i-release sa first quarter ng 2023.

AUTHOR PROFILE