Default Thumbnail

Cellphone snatcher nambiktima ng brodkaster sa Jones Bridge

November 23, 2022 Jonjon Reyes 259 views

MPD mabilis na inaksyunan

MULI na namang naglipana ang mga kawatan sa Maynila makaraang targeting ng isang suspek ang isang babaeng broadcaster sa Jones Bridge sa Binondo nitong Martes.

Ininda ng broadcaster na si Gina Mape ng DWWW AM radio ang masakit niyang kamay matapos itong pilipitin ng snatcher habang hawak ang kanyang cellphone at pilit inaagaw ito.

Aniya, sakay siya ng pampasaherong jeep at nakaupo ito sa gawing driver’s passenger seat nang biglang dumikit ang isang lalaki at hinawakan ang kanyang kamay.

Dahil sa insidente, agad na umaksyon ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at hinalughog ang paligid ng Jones Bridge kung saan naaresto ang dalawang menor de edad na sinasabing mga cellphone snatcher umano sa lugar.

Ayon kay Mape, hindi naman nagtagumpay ang snatcher na makuha sa kanya ang cellphone dahil mahigpit ang kanyang pagkakahawak nito bukod pa sa may isa pang pasahero na nagsilbing harang para maisakatuparan ng suspek ang kanyang pakay.

Ang mga suspek ay kasalukuyang hawak ng Women’s Desk habang pinag-aaralan ang kasong isasampa laban sa kanila.

Ayon naman kay P/Lt. Col. Rexson Layug ng MPD Binondo Police Station 11, tuloy-tuloy ang kanilang ginagawa nilang patrolling operation kabilang ang mga checkpoints at pagsisikap para mabantayan ang seguridad ng publiko, mga inilatag na police assistance desk sa lugar na naging susi sa mabilis na pagkakahuli sa mga suspek.

Matatandaan na panahon ni dating Manila Mayor Isko Moreno nang pagandahin at pailawin ang mga poste ng Jones Bridge sa Lungsod ng Maynila.

Sinisigurado naman ni MPD Director Andre P. Dizon na patuloy at palalakasin pa ang police visibility sa lungsod upang ang mga kawatan at mga masasamang loob ay mabawasan at tuluyang mawakasan ang mga kriminal sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE