Celia sa ibang artista: Tularan n’yo si Coco Martin
Naranasan din pala ng seasoned actress na si Celia Rodriguez ang bukas-palad na pagtulong ni Coco Martin nang minsang lapitan niya ito para hingan ng financial help.
Ibinunyag ng award-winning actress sa panayam niya sa vlog ni Ogie Diaz na tinawagan niya ang aktor/direktor kahit hindi siya nito kilala para humingi ng tulong for her friend’s husband who was dying.
“I don’t know him. He knows me as Celia Rodriguez and I know him as Coco,” aniya.
Umiiyak daw ang kaibigan niya sa kanya dahil may sakit ang asawa nito.
“Sabi niya sa akin, ‘my husband is dying,’” kwento ng aktres.
Ayaw na raw niyang magbanggit ng pangalan pero nabanggit niya na lumabas na raw ito sa serye ni Coco.
HIndi na nga lang niya sinabi kung ‘yung friend ba niya or ‘yung asawa nito ang nakatrabaho ng aktor.
Sa tulong ni Lorna Tolentino ay nakuha raw niya ang number ni Coco at tinawagan niya ito. Noong una raw ay walang sumasagot sa telepono pero later ay tinawagan siya ng aktor at humingi ng pasensiya dahil nasa set ito ng “FPJ’s Batang Quiapo” nang tumatawag siya.
Doon pa lang ay humanga na si Celia dahil si Coco pa rang panay ang sorry.
Tinanong daw siya ng aktor kung ano ang maitutulong niya at ikinuwento niya ang problema ng kaibigan.
Kaagad daw sinabi ni Coco na magpapadala siya ng pera sa bank account ng kaibigan at kinabukasan nga ay nagpadala nga ang aktor.
Namatay din daw ang asawa ng friend niya, pero aniya, grabe ang itinulong ni Coco.
“And he doesn’t even know me in person. Doon ako bilib sa tao, and he is a young boy, he knows how to share! Kasi alam mo, life is sharing, eh. Ke multi-millionaire ka, ‘pag hindi ka tumulong sa kapwa, basura ka sa akin.
“And this Coco is a young boy. I’ve heard so many stories about Coco helping other people. Kaya sabi ko sa kanya, sa text ko sa kanya, ‘please take care of yourself, the industry needs you,’ ginanu’n ko siya. Bilib ako sa batang ‘yun,” papuri ni Celia kay Coco.
Kaya payo niya sa ibang artista, “Sana tularan n’yo si Coco Martin. Bihira ang ganu’n.”