Alyysa

Celebrity housemates, papasok na sa Bahay ni Kuya

October 14, 2021 Ian F. Fariñas 296 views

Muling magbubukas ang bahay ni Kuya at opisyal nang magsisimula ang PBB Kumunity Season 10 Celebrity Edition bukas, Sabado (Oktubre 16), 7 p.m. Matapos ipakilala ni Kuya ang 12 celebrity housemates sa sambayanan, sila naman ang magpapakilala sa isa’t isa ngayong Sabado.

Kabilang dito sina Alyssa Valdez (“Ang Heartstrong Phenom ng Batangas”) na isang tanyag na volleyball player, KD Estrada (“Ang Musical Wonder Boy ng Parañaque”) na pinahanga ang social media dahil sa kanyang husay sa pag-awit at Madam Inutz (“Ang Mama-Bentang Live Seller ng Cavite”) na nabihag ang puso ng netizens sa nakakaaliw na istilo bilang online live seller.

Nariyan din ang “Squad Plus” member na si Anji Salvacion (“Ang Singing Sweetheart ng Siargao), ang actor at komedyanteng si TJ Valderrama (“Ang Laughter Lodi ng Manila”) na huling napanood sa Hoy, Love You at ang Miss Grand International 2020 first runner-up na si Samantha Bernardo (“Ang Bread-Queen-Her ng Palawan”).

Papasok din sa PBB house ang komedyante na si Brenda Mage (“Ang Fun-Along Comedian ng Cagayan de Oro”) na nakilala sa “Miss Q&A,” ang Kumu streamer na si Eian Rances (“Ang Striving Streamer ng Quezon”) at ang Kapamilya star na si Alexa Ilacad (“Ang Smartista Unica Hija ng Pasig”).

Kukumpleto rito sina Shanaia Gomez (“Ang Rising Darling ng Quezon City”) na nakilala sa Idol Philippines, ang MMA athlete na si John Adajar (“Ang Mr. Mixed Martial Ama ng Laguna”) at ang model/DJ na si Karen Bordador (“Ang Ms. Brightside ng Makati”).

Bukod sa housemates, magbibigay ng saya at updates sa mga kaganapan sa loob ng bahay sina Enchong Dee, Edward Barber, Richard Juan at Sky Quizon, kasama ang tatlong PBB Big Winners na sina Melai Cantiveros, Maymay Entrata at Kim Chiu.

Sila ang mga katuwang nina Bianca Gonzalez, Robi Domingo at Toni Gonzaga sa pagho-host sa bagong season ng PBB.

Samantala, kahit hindi pa opisyal na nagsisimula ang PBB Kumunity, meron na agad task si Kuya sa celebrity housemates.

May online ambagan livestream task ang 12 housemates nu’ng Oktubre 13 magdidikta ng kanilang kapalaran sa loob ng bahay sa unang linggo.

Mayroon ding follower sprint sa Kumu, kung saan ang celebrity housemate na may pinakamaraming followers ay magkakaroon ng immunity sa nomination.

Kailangan lang i-follow ang celebrity housemate sa kanilang Kumu account hanggang October 16 at October 31 hanggang November 1.

Ang PBB Kumunity Season 10 Celebrity Edition ay magsisimula bukas, Oktubre 16 (Sabado), 7 p.m., sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, iWantTFC at TFC. Iere naman ito tuwing 5:45 p.m. Lunes hanggang Biyernes.

Para sa updates at iba pang anunsyo mula kay Kuya, tutok lang sa PBB Kumulitan online show sa Kumu at Facebook kasama sina Bianca, Enchong at Melai tuwing 5:30 p.m., Lunes hanggang Biyernes, at kasama si Sky Quizon tuwing weekend.

AUTHOR PROFILE