Cctv sa bawat presinto!

December 15, 2022 Marlon Purification 74 views

Marlon PurificationHINDI tayo tutol sa mungkahi ni Senador Raffy Tulfo na kabitan ng closed-circuit television (CCTV) ang lahat ng istasyon ng kapulisan upang mabawasan ang pang-aabuso na ginagawa ng ilang police scalawags sa bansa.

“A lot ot human rights violations happen in the police precints upon arrest or invitation of suspects or persons of interest. Mapipigilan ng CCTV sa mga presinto at detention facilities ang pambubugbog ng mga naaresto,” sabi pa ng bagitong senador sa kanyang privilege speech.

“Matitigil din ang pagpasok ng mga unauthorized individuals sa presinto para mambugbog ng detainees na minsan ang bumubugbog sa mga detained individuals. Mapipgilan din ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga sa mga detention center,” wika pa niya.

Naniniwala tayong ang mga mukhang ganito ni Tulfo ay may pinaghuhugutan at may basehan.

Matagal nang broadcaster si Tulfo bago naging ganap na mambabatas. Alam nating lahat na samu’t saring reklamo at sumbong na ang natatanggap nito sa buong broadcast career ng kuya ni DSWD Sec. Erwin Tulfo.

Kaya naniniwala rin tayo sa kanya na may magandang hangarin siya upang maging ganap na batas ang kanyang panukala.

Alam naman nating lahat na karamihan, kundi man kadalasan, ay sa presinto mismo nangyayari ang ilang pang-aabuso ng mga alagad ng batas.

Pero bilang mamamahayag din sa mahigit tatlong dekada, batid natin na sa tuwing may nagaganap na ‘tactical interogation’ (TI) ay doon din nangyayari ang pananakit at pangto-torture sa ilang ‘suspects’ makuhaan lamang nila ito ng impormasyong nais ng mga pulis.

Imposibleng sa mismong TI room mismo maglagay ng CCTV dahil kitang-kita rito kung anong sistema ng ‘pagpapakanta’ ang nais gawin ng mga pulis sa sinumang suspect.

Pero kung ang labas ng TI ay may CCTV, siguro naman ay magiging ‘deterrent’ din ito dahil bago ipasok ng ‘kuwarto’ ang suspect, makikita ang kondisyon ng pangangatawan nito at masyadong magiging ‘obvious’ kung lalabas itong bugbog sarado na.

Sinabi ni Senador Raffy na maghahain siya ng panukala sa mga darating na araw upang mandohan ang pamunuan ng pulisya na amgkabit ng security camera sa lahat ng istasyon ng pulis.

At sana, makaani ito ng suporta mula sa iba pang mambabatas sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso at harinawa’y mapagtibay ito at ganap nang maging batas.