Cayetano

Cayetano’s Eco-friendly drive pamarisan

March 6, 2022 People's Tonight 368 views

MATAPOS purihin, nanindigan ang Ecowaste Coalition na dapat tularan ang eco-friendly campaign ni senatorial aspirant at dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Nanawagan ang Ecowaste Coalition sa ibang mga kandidato na gumawa din ng paraan upang maabatan ang krisis ng polusyon sa ating bansa.

Naglabas ng reaksyon ang grupo sa desisyon ni Cayetano na gawin na lamang sa digital platforms ang kanyang campaign trail sa halip na mag imprenta ng posters, flyers, at iba pang mga tradisyunal campaign materials.

“Nagpapahayag ito ng kanyang malalim na pagkalinga sa kalikasan at mahalagang misyon na gawing mas malinis, ligtas, at maayos ang kampanya hanggang sa araw na halalan,” giit ni Zero Waste Campaign Officer Jove Benosa.

Hinikayat ng Ecowaste Coalition ang ibang mga kandidato na tularan ang ginawa ni Cayetano at maghayag ng plataporma at plano para sa kapaligiran lalo na at isa ang Pilipinas sa mga apektado ng climate change.

“Maganda po kung ang bawat kandidato ay may malinaw na plataporma at kongkretong ambag o sagot sa lumalalang problema sa polusyon at environmental crisis,” ayon kay Benosa.

Batay sa data na nakalap ng Ecowaste Coalition, lumalala ng 30% to 40% ang basurang naiipon tuwing halalan dahil sa sangkaterbang campaign materials na nakakalat lalo na sa mga kalsada sa buong bansa.

Hindi pa kasama dito ang tinatayang 16.6 metriko toneladang basura na naiipon taun-taon sa Pilipinas kaya naman ikatlo ang Pilipinas sa mayroong pinakamalalang solid waste polluter sa buong Southeast Asia.

“Maliban sa unsightly litter and illegal waste dump o mga tambak, nagdudulot din ang campaign waste ng dagdag na trabaho at kapaguran sa ating mga kolektor ng basura at sa mga sektor na namamahala sa kalinisan at kaayusan ng kapaligiran,” ayon pa kay Benosa.

Sinabi pa ng kolisyon na dapat tingnan ng mga botante kung paano mangampanya ang mga kandidato dahil ito ay repleksyon ng kanilang karakter.

“Dapat pong maging sukatan ito ng ating mga mamamayang botante sa pagpili ng bawat tumatakbong kandidato sapagkat ito ay repleksyon ng personal na katauhan ng kandidato, at sumasalamin sa malinaw na bitbit nilang programa sa kalikasan at lumalalang problema ng polusyon sa ating bansa,” dagdag pa ni Benosa.

Kinilala din ng EcoWaste Coalition ang panawagan ni Cayetano sa kanyang mga supporters na magtanim na lang ng mga puno at bakawan sa kanayunan at pasukin ang urban farming sa mga siyudad sa halip na magpa-imprenta ng campaign materials bilang suporta sa kanyang pagbabalik-Senado.

“Malaking tulong kung ang lahat ay mahimok na kumalinga sa kalikasan – tulad ng pagtatanim ng puno, mangroves, pagtatayo ng urban vegetable and vertical gardens sa kani-kanilang komunidad at pamayanan,” giit pa ni Benosa.

Matatandaang nagdesisyon si Cayetano na gawing digital ang kanyang kampanya ngayong halalan at maging ang mga motorcade ay iiwasan na rin upang makatulong sa kapaligiran.

“Nakikiusap ako sa ating supporters na kung gusto niyo po sumuporta, imbes na gumastos pa sa tarpaulin or kung anoman, magtanim na lamang ng puno, ng mangrove, or kung nasa city kayo, marami pong bagong style ng urban farming,” ayon kay Cayetano.

Noong February 7, inihayag ni Cayetano na magiging eco-friendly ang paraan ng kanyang pagbabalik-Senado upang hindi na makadagdag sa tambak ng basura tuwing halalan.

“Napakagandang halimbawa at inisyatiba po ito sa ating mga kandidatong naghahangad ng posisyon at maglingkod sa sambayanan,” pahayag ni Benosa.

AUTHOR PROFILE