Cayetano

Cayetano sa NTC: Pagpapatupad ng SIM registration higpitan

September 17, 2023 Camille P. Balagtas 196 views

HINIMOK ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Biyernes ang National Telecommunications Commission (NTC) na higpitan at pahusayin ang proseso ng SIM registration sa halip na itigil ito.

Kasunod ito ng insidente kung saan nai-register ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang SIM gamit ang mukha ng isang unggoy.

“Sa akin baligtad: hindi itigil muna – higpitan nila, ani Cayetano.

Mas dadami pa ang loko loko diyan ‘pag walang registration,” dagdag niya.

Ibinunyag ng NBI sa isang pagdinig ng Senado noong September 5, 2023 ang ekperimentong ginawa ng Cybercrime Division nito kung saan matagumpay nilang nairehistro ang ilang SIM card gamit lang ang larawan ng isang nakangiting unggoy.

Ani Cayetano, mapipigilan ng NTC ang mga ganitong pangyayari kung “sasampolan” ng ahensya ang mga mahuhuling SIM card users na gumagawa nito.

“Ang Pilipino mahilig sa ‘sample.’ Sampolan mo lang y’ung isa. Kung nakita mong hayop [ang ginamit na litrato] hanapin mo. May address naman y’un, may name. Tapos kasuhan mo,” aniya.

Hinimok din ng independent senator ang NTC na makipagtulungan sa iba pang mga ahensya tulad ng Philippine National Police (PNP) at Department of Information Communication Technology (DICT) na subok na ang online system.

Iminungkahi din niya na ang pagpaparehistro ng SIM ay isama sa National ID system upang gawing mas simple at mas maaasahan ang pagbeberipika.

“Ang PNP magaling na ang kanilang cybercrime unit. Ang DICT napakagagaling ng mga tao diyan. At saka [i-connect] y’ung National ID,” aniya.

Ani Cayetano, imposibleng mapigilan ang lahat ng mga posibleng security breach sa panahon ngayon, pero maaaring malutas ang “karamihan sa problema” sa proseso ng SIM registration kung gagamitin ang National ID system.

Hinikayat din niya ang NTC na makipag-ugnayan sa Senado at House of Representatives upang iulat ang “lapses” sa proseso para mapalakas ng Kongreso ang batas para dito.

“We’re humans. Later on baka pati AI (artificial intelligence) can register their own SIM cards – we don’t know. But if we solve 99 percent of the problem, OK na y’un,” aniya.