Cayetano, Bautista magtutulungan

December 11, 2022 People's Tonight 96 views

Para sa agarang pamamahagi ng fuel subsidy sa tricycle drivers

DALAWANG araw matapos ang matalas na pagtatanong ni Senador Alan Peter Cayetano kay Transportation Secretary Jaime Bautista sa Commission on Appointments (CA), nagkasundo ang dalawa na magtulungan para mapabilis ang pamamahagi ng fuel subsidy sa libo-libong tricycle drivers sa buong bansa.

Nagpulong ang dalawa noong Biyernes, December 9, para pag-usapan ang problema ng mga tricycle driver na hindi pa natatanggap ang bahagi nila sa P2.5 billion na inilaan ng pamahalaan.

Una nang inilabas ng senador ang isyu sa confirmation hearing ni Bautista sa harap ng CA noong Miyerkules, December 7.

Ayon kay Cayetano, pinag-usapan nila ni Bautista kung paano mapapabilis ang pamamahagi ng subsidy dahil hirap na hirap na ang mga tricycle driver bunsod ng mataas na presyo ng gasolina, inflation, at ang pandemya na nakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Pumayag aniya si Bautista na idaan ang subsidy sa local government units (LGUs) dahil may kakahayan itong ipamahagi ang cash assistance.

May listahan din ang mga LGU ng mga tricycle driver sa kani-kanilang lugar, dagdag niya.

Noong confirmation hearing, ibinunyag ni Cayetano na 6,000 tricycle drivers pa lang ang nababahaginan ng subsidy. Kaunting kaunti ito kumpara sa 600,000 tricycle drivers na nauna nang sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na qualified na makatanggap ng halaga.

Katwiran ni Bautista, naantala ang pamamahagi dahil kulang ang master list ng registered tricycle drivers sa ilang mga LGU.

Pero sagot naman ni Cayetano, maaaring magpatulong ang Department of Transportation sa mga tricycle operators and drivers associations (TODAs) dahil organisado ang mga ito at may mga listahan sila ng kani-kanilang mga miyembro.

Hinimok ni Cayetano si Bautista na gamitin ang pagiging dating private sector executive para baguhin at ayusin ang DOTr nang sa gayon ay makinabang ang transport sector at gumanda ang transportation system ng bansa.

AUTHOR PROFILE