Winnie Castelo

Castelo isinulong permanenteng pagbasura sa mataas na real estate taxes

September 20, 2021 People's Tonight 200 views

HINILING ni Quezon City 2nd District Councilor Winnie Castelo sa City Council na permanenteng ibasura ang 2016 Ordinance na nagtaas sa fair market values ng real properties sa Quezon City na posibleng magtaas sa binabayarang real estate taxes.

Sa kanyang Proposed Ordinance No. 468, sinabi ni Castelo na “the COVID-19 pandemic that has caused untold suffering and misery to our people and the nation will not go away in the foreseeable future.”

“Our people continue to suffer. Individuals and families are affected. Businesses are struggling to survive its day-to-day operations and to keep their workers. We do not want them to be burdened with higher real estate taxes especially in these times,” ani Castelo.

Naniniwala si Castelo na malaki ang maitutulong sa nararanasang krisis kung permanenteng ibabasura ang ordinansa. “We may consider asking them to contribute again through taxes when times get better,” ayon kay Castelo.

Kasama rin ni Castelo bilang mga awtor sina Karl Edgar Castelo ng District 5 at Melencio Castelo Jr. ng District 6/

Sa ilalim ng panukala, layunin nitong ibasura ang Ordinance No. SP-2556, Series of 2016, at ang mga sumunod pang ordinansa at resolusyon, kabilang implementing rules and regulations (IRR).

Kabilang sa itinaas ng ipinababasurang ordinansa ang buwis sa lupa, gusali, konstruksiyon at iba pang improvements kaya pinalagan ng mga residente.

Noong Abril 7, 2017, kinuwestiyon ng Alliance of Quezon City Homeowners Associations, Inc. (AQCHAI) ang validity at constitutionality ng ordinansa sa Supreme Court (SC).

Matapos ang 11 araw, naglabas ang SC ng temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng nasabing ordinansa.

Dahil sa kautusan, hindi natuloy ang implementasyon ng mataas na singil sa real estate taxes.

Ngunit nooong Seyembre 18, 2018, ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon kaya naman inalis na rin ang TRO.

Matapos ang dalawang buwan o noong November 19, 2018, ipinasa ng City Council ang Ordinance No. SP-2778, Series of 2018 na nagsuspindi sa implementasyon ng ordinansa para sa mga taong 2018 at 2019.Noong December 16, 2019, inaprubahan ng City Council ang Ordinance No. SP-2888, Series of 2019 para patuloy na suspendihin ang pagbabayad ng buwis sa lupa base sa revised schedule of values on land hanggang December 2020.

Ngunit, pinayagan ang adjustments sa gusali at iba pang istruktura na maipatupad noong 2020.

Nitong December 15, 2020, inaprubahan ng City Council ang Ordinance No. SP-2986, Series of 2020 para patuloy na suspendihin ang singil ng buwis hanggang December 2022.

Nanindigan ang tatlong awtor na ipasa na ang kanilang Proposed Ordinance No. 468 dahil hindi na “advisable” ang patuloy na pagsuspindi ng Ordinance No. SP-2556, Series of 2016. Anila, panahon na para permanenteng ibasura ang ordinansa para sa kaginhawaan ng mga residente.

“We might as well cast away the original sin, which is Ordinance No. 2556, Series of 2016,” anila.

AUTHOR PROFILE