Winnie Castelo

Castelo hiniling 5-percent tax holiday bilang ayuda sa mga negosyante

September 7, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 367 views

IPINANUKALA ni Quezon City 2nd District Councilor Winnie Castelo ang business tax holiday o diskuwentong limang porsiyento para sa lahat ng registered enterprises sa lungsod anoman ang laki at liit ng mga ito.

Nakapaloob ang kahilingan ni Castelo sa kanyang Proposed Ordinance No. 469.

Sinabi ni Castelo na isang paraan ang kanyang panukala upang matulungan ang mga negosyante sa lungsod na grabeng naapektuhan ng coronavirus disease-19 (COVID-19) pandemic.

Inihayag ni Castelo na nakapagbigay ang mga negosyo sa Quezon City ng P12.452 bilyon noong 2020.

Base sa nasabing koleksiyon noong nakaraang taon, sinabi ni Castelo na aabot ang diskuwento sa pagbabayad ng buwis ng mga negosyante sa P623 milyon.

Nilinaw rin ni Castelo na kakatawanin lamang ng diskuwento ang business taxes.

Sa kanilang pag-iikot, sinabi ni Castelo na maraming negosyo ang naapektuhan ng serye ng lockdowns, kabilang ang malls hanggang sa sari-sari stores.

“Those that could not bear the difficulties have been forced to close shop. Others opted to downsize their staff or limit their employees’ workdays. Many malls offered to waive rentals to avoid the closure of their tenant-stores,” ani Castelo.

Naniniwala si Castelo “that tax holiday is an effective fiscal policy measure that will help the business sector minimize costs and expenses, and thus will facilitate their recovery and continuance amid the pandemic.”

“It’s also a means for the city government to give back to various businesses, big, medium or small, and their workers,” ani Castelo.

Kabilang rin sa mga awtor ng panukala sina Councilors Karl Edgar Castelo ng District 5 at Melencio Castelo Jr. ng District 6.

Naunang inihain naman ng tatlong konsehal ang isang panukala na naglalayong pagkalooban ng isang buwang suweldo ang lahat ng mga kawani ng lungsod bilang dagdag ayuda sa nararanasang krisis.

AUTHOR PROFILE