Casino policy ng Singapore
DALAWANG taon lang ang ibigay na extension ng Singapore government sa Resorts World sa Sentosa Island.
Karaniwan, tatlong taon ang ibinibigay nilang renewal sa kauna-unahang casino sa kanilang lugar.
Sa naging desisyon ng Singapore government, hindi naging impresibo ang tourism performance ng RW sa Sentosa. Ibig sabihin, ang kondisyon sa pagkakaloob ng lisensiya sa gambling ay dapat magkaroon ng significant numbers sa mga turistang pumasok sa kanilang mixed-development area.
Ito ang sinasabi nating magandang policy ng isang pamahalaan, hindi lang sila nakadepende sa ibabayad na buwis ng casino operator, doon sila sa mas malaking pakinabang ng bansa at ng kanilang mga mamamayan.
Gaya nga ng Sentosa Island na ipinagamit sa second casino sa Singapore. Ang una nila ay iyong nasa Marina Bay Sands. Napuntahan natin kailan lang ang Sentosa nang subukan natin ang Madame Tussauds o wax museum ng mga intertional artists. Nakita nga natin doon ang pigura ng ating si Lea Salonga at mga sikat na katulad nila Dua Lipa, Michael Jackson, Tiger Woods at Yao Ming.
May cable car na rin sa Sentosa na karagdagang atraksiyon. Kapansin-pansin na nilalangaw ang Madame Tussauds doon kumpara sa Hong Kong. Maging ang cable car halos walang pasahero noong naroon kami.
Magmula nang dumating kami ng bago mag-10 a.m. hanggang makaalis kami alas dose pasado ata, hindi nagbago ang dami ng crowd. Mabibilang mo lang sa daliri ang mga taong pumasok. Sa wax museum nga parang kami lang at iyong dalawang na magsiyota ang nagpapaikot-ikot sa wax museum.
Sa cable car naman, halos walang laman. Parang holiday pa sa Singapore noong mga panahong iyon dahil sa Indian feast na ipinagdiriwang sa buong SG pero walang tao sa Sentosa.
Doon mo makikita ang sinop ng Singapore government, may relasyon talaga ang kanilang findings sa actual na nakita ko na walang tao sa Sentosa. Naging kolatilya sa 2 years extension ang kanilang pag-aaral.
Ganoon ang magandang patakaran, may batayan ang mga desisyon at hindi bumibitaw sa kondisyon nang bigyan ng lisensiya. Malinaw na hindi sugal ang pinu-promote ng SG bagkus ay turismo sa pangkalahatan kaya sila nagbibigay ng lisensiya.
Kakaiba ang casino policy doon na mas pabor sa turista kaysa sa mga locals. Lahat ng papasok sa casino para magsugal, hahanapan ng ID or passport. Kapag turista na may passport, libre ang pagpasok sa casino pero kapag Singapore citizen na gustong pumasok para magsugal, magbabayad ng entrance fee na hindi bababa sa P4,000.
Ang sistemang ito ay para hindi makapasok sa casino area ang mga “buraot” o mga wala na ngang pera, magsusugal pa.
Sa ganitong sistema ay hindi makapagsusugal ang mga wala naman talagang pera bagkus ay “palagong baboy” lang ang lakad.
Hindi ko alam kung puwede sa atin ang ganitong policy pero it makes sense din. Iyong iba kasing nasa mga casino, parang cara y cruz lang laro nagsusugal pa. Iyong tipong limang daan piso ang dalang pera, maghapon na sa casino dahil nga limang piso lang ang taya.
Sa halip sana na pambili na nila ng bigas para sa dalawa hanggang tatlong araw na isasaing, ipinagsasapalaran pa sa mga casino dito sa atin na walang entrance fee.
Puwede rin iyong pag-aralan ng gobyerno.