Carwash boy wakwak sa saksak sa QC, dedo

September 12, 2021 Melnie Ragasa-limena 196 views

PINAGSASAKSAK hanggang sa mamatay ang isang carwash boy habang naglilinis ng sasakyan ng kanilang kostumer sa Quezon City.

Agad na nasawi ang biktimang nakilalang si Rickydean Vicencio Bermudez, 27, freelance carwash boy at residente ng 14 Maria Clara St., Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.

Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na si Marlon Lee Pontilar, alyas ‘Kiko’ at naninirahan sa No. 96 Kaliraya Street, Cluster 12, Brgy. Tatalon, QC.

Sa imbestigasyon ni PCpl. Mark Philip Paule ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 5:20 p.m. (September 10) nang maganap ang insidente sa loob ng Icon Car wash na matatagpuan sa P. Florentino St.. kanto ng Banawe St., Brgy. Lourdes, sa lungsod.

Ayon kay Cpl. Paule, abala umano ang biktima sa paglilinis ng sasakyan ng kanilang kostumer nang sumulpot ang suspek at bigla itong inundyan ng saksak ng ilang beses.

Nang duguang bumagsak ang biktima ay kaswal na naglakad lamang patungong P. Florentino Avenue ang tumakas na suspek.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring pamamaslang.