Kraft

Carousel bus nagliyab sa EDSA, 2 sugatan

January 30, 2023 Edd Reyes 281 views

DALAWANG pasahero ng isang Carousel bus ang bahagyang nasugatan nang magliyab ang sinasakyan nilang pampublikong transportasyon Linggo ng gabi sa Makati City.

Isa sa dalawang pasahero na nakilalang si Germa Garolacan, 32, ng Brgy. Paglaum Binalibagan, Negros Occidental ang isinugod ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Rescue Team sa Ospital ng Makati habang kaagad namang nalapatan ng lunas ang isa pa na nagtamo lmang ng bahagyang sugat sa bahagi ng katawan.

Sa natanggap na ulat ni Southern Police Distrit (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, kasalukuyang nagbababa ng pasahero sa kanto ng EDSA at McKinley Access Road Northbound sa Brgy. Dasmarinas ang Bovjan Carousel Bus (NFL-7072) na minamaneho ni Ruel Pabon Salazar, 41, residente ng Marilao, Bulacan, dakong alas-9:10 ng gabi nang bigla na lamang may umusok sa likurang bahagi ng bus.

Dito na nag-unahan sa pagbaba ang mga pasahero na dahilan ng pagtatamo ng sugat ni Garolacan at ng isa pa bago pa tuluyang lamunin ng apoy ang bus.

Kaagad namang nakapagresponde sa naturang lugar ang mga bumbero mula sa Makati Bureau of Fire Protection (BFP) kaya’t mabilis din nilang naapula ang apoy na tumagal lamang ng 22-minuto.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon sina arson investigators SFO1 Jomhar Tuburan at FO3 Lester John Batalla ng Makati Fire Department upang malaman ang dahilan ng pagkasunog na naturang carousel bus.

AUTHOR PROFILE