Carnapper tiklo sa Tondo

May 19, 2022 Melnie Ragasa-limena 74 views

NAUWI sa barilan ang isang hot pursuit operation na isinagawa ng Masambong Police Station (PS 2) sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni P/Lt. Col. Rix Villareal, ang Station Commander ng PS 2, ang suspek na si Romeo Garcia, 25, residente ng Capulong St., Tondo, Maynila.

Batay sa report, isang insidente ng carnapping ang nangyari dakong 1:00 a.m. ng Mayo 16, 2022, sa harapan ng Paltok Elementary School na kung saan isang witness ang nakakita sa nangyari at positibo nitong kinilala ang suspek sa Rogue Gallery ng PS 2.

Binerepika ito sa E-Warrant System ng PNP (Philippine National Police) at napag-alaman ang address ng suspek batay sa warrant of arrest nito para sa kasong theft at paglabag sa B.P. 6 na inisyu ng Branch 28 at Branch 16 ng Manila.

Kinaulanan ay nakipag-ugnayan naman ang PS 2, QCPD sa Manila Police District (MPD) hinggil dito.

Dakong 11:00 a.m. ng Mayo 16, 2022, agad na nilapitan ng mga rumerespondeng pulis ang suspek nang makita ito sa kanyang address ngunit sa halip na sumuko ay kaagad itong bumunot ng baril.

Inunahan naman ng pulis ang suspek at agad itong pinaputukan. Nagtamo ng sugat ang suspek na kinalaunan ay itinakbo sa Tondo Hospital upang malapatan ng lunas.

Narekober kay Garcia ang isang caliber .38 revolver na naglalaman ng limang bala.

Si Garcia ay dati ng may kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearm and Ammunition, R.A. 10883 o Anti-Carnapping Law, at P.D. 1602 o Anti-Illegal Gambling.

Samantala, kakasuhan si Garcia ng paglabag sa R.A. 10883 o Anti-Carnapping Law sa Quezon City Prosecutor’s Office at karadagang kaso ng Direct Assault with Attempted Homicide at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearm and Ammunition kaugnay ng Omnibus Election Code ang isasampa ng MPD. Ni Melnie Ragasa-Jimena