Piolo

Carlos naglabas ng hinaing kina Piolo, Diet, Echo at Bernard

February 24, 2025 Vinia Vivar 165 views

CarlosNaglabas ng hinaing ang aktor/rapper-singer na si Carlos Agassi sa mga dating kasamahan niya sa The Hunks na sina Piolo Pascual, Jericho Rosales, Diether Ocampo at Bernard Palanca.

Sa kanyang Instagram account at nag-post ng video si Carlos kung saan ay sinagot niya ang tanong na “Nagkikita pa ba kayo ng dati mong kagrupo na The Hunks?”

Simulang sagot niya, “Guys, kaya nga nabuwag kasi gusto ng kanya-kanyang career nu’ng iba. Kasi, ’pag group, pantay-pantay kami sa lahat, eh, sa exposure, sa TF (talent fee), sa career.”

Patuloy niya, “So, para makaangat ‘yung iba, parang nabuwag. Ganu’n na nga ‘yung nangyari.”

Aniya pa, wala na siyang communication sa mga dating ka-grupo.

“Wala na, wala na talaga. Kahit nu’ng napilayan ako, walang nag-check sa akin,” aniya.

Matatandaang nagkaroon ng knee injury si Carlos noong 2022 habang nagba-basketball at kinailangan siyang operahan sa tuhod.

Pero nilinaw niya na hindi masama ang loob niya sa mga dating kasamahan.

“Okay lang, ganu’n talaga ang buhay, eh,” sambit niya.

Inaalala rin niya ‘yung time na kinuha siyang guest sa concert ng isang dating ka-grupo.

“Naalala ko nga, nasa States ako, may magko-concert, babayaran daw nila ako para mag-guest. Sabi ko, ‘hindi, brother kita, kuya ko kayong lahat, akong pinakabata, eh. Tara, walang bayad, I’ll do it for you, my bro.’ So, ginawa ko,” kwento niya.

Hanggang sa dumating daw ang time na nag-release siya ng single na “Milk Tea” at kinailangan niya ang tulong ng mga ito para sa music video.

“Heto na, gumawa ako ng ‘Milk Tea,’ marami akong minessage para lumabas sa music video – Seen!” aniya.

Ang ibig sabihin ni Carlo ay “seen” lang ang message niya at hindi siya sinagot.

Patuloy niya, “Ta’s nagkita-kita kami nu’ng birthday ni Mr. M (Johnny Manahan), siyempre, showbiz, ‘hi guys!’ Binati pa nila ako lahat, sila pa unang bumati.”

Saad pa ng aktor/singer, ibang-iba talaga ang showbiz sa totoong buhay.

“Ganu’n talaga ang buhay, guys. Pero hindi masama ‘yun, ganu’n talaga, eh. That’s life,” aniya.

Dagdag pa niya, ayaw ng mga kasamahan niya na makabalik siya.

“‘Di ba, kumbaga, magkakakumpetensiya kami. Ayaw nilang makabalik ako. So, tama kayo, mali ako. Walang hatred, that’s love,” saad pa niya.

Sa isang separate video ay makikita namang sinasagot niya ang tanong kung naiinggit ba siya sa iba niyang mga kasamahan na sikat na sikat at marami pa ring trabaho ngayon.

“I’m very, very happy for them. Sobrang natutuwa ako for them. Kaya-kanya tayo ng path. Let’s not compare ourselves to others. Ang buhay, 99% reactions sa ginawa sa ‘tin,” saad ng tinaguriang Amir of Rap.

Naikwento rin niya na nu’ng binash siya sa kanta niyang “Milk Tea” ay sobra siyang na-depress at gusto na niyang magpakamatay.

“Nu’ng binash ako sa kanta ko na ‘Milk Tea,’ hindi n’yo alam na one year akong hindi makalakad nu’n, depressed ako, gusto kong magpakamatay. Si Sarina (his partner) lang ang nandu’n para awatin ako lagi. Talagang iyak ako nang iyak, sobrang depressed,” kwento niya.

Tsika pa niya, “Marami akong kinausap na TV networks, may mga ideas ako, ‘yung mga napapanood n’yo ngayon, may mga script ako ng movie, TV series, kagaya nu’ng show ko dati, walang pumansin hanggang ngayon.”

Ganunpaman ay natutuwa naman si Carlos na nagugustuhan ng netizens ang videos niya tungkol sa fitness at nagagamit ng mga tao ang mga ibinabahagi niyang kaalaman.

Samantala, wala pang reaksyon sina Piolo, Diether, Echo at Bernard tungkol sa mga pahayag ng dati nilang ka-grupo.

AUTHOR PROFILE