
Carlo, balik-ka-Viva
Bilang isa sa pinakamahusay na aktor ng kanyang henerasyon, palaging naghahangad si Carlo Aquino ng mga bagong oportunidad para ipakita ang kanyang galing sa pag-arte at ang kanyang opisyal na pagbabalik bilang Ka-Viva, sa ilalim ng pamamahala ng VAA (Viva Artists Agency), ay nagsisilbing simula ng isang bagong yugto para sa premyadong leading man.
Laging pinag-uusapan ang kanyang mga huling proyekto sa Viva Films tuwing ipinalalabas ito sa mga sinehan at streaming platforms dahil nakakakita ang netizens ng chemistry sa kanilang onscreen partnership ng aktres, at ngayon ay kapwa Viva artist na niyang si Julia Barretto.
Partikular na rito ang kanilang mga pelikulang “Expensive Candy” (2022) at “Hold Me Close” (2024), isang entry sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF).
Matapos ang mga matagumpay na pelikulang ito, tamang panahon na para bumalik si Carlo sa kanyang tahanan bilang VAA artist.
Kung tutuusin, nasa ilalim siya ng pamamahala ng VAA mula 2005 hanggang 2011, kung saan gumawa siya ng ilang natatanging proyekto tulad ng “Baler,” kasama si Anne Curtis noong 2008, at “Tumbok,” kasama si Cristine Reyes noong 2011.
Kahit natapos ang kanyang kontrata sa VAA noong 2011, tuloy pa rin si Carlo sa pakikipagtrabaho sa Viva Films. Sa mga proyektong iyon, naging isa sa mga tanyag na leading man ang aktor sa mga pelikulang tulad ng “Baler,” “Tumbok,” “Meet Me In St. Gallen” (2018) kasama si Bela Padilla, at “Ulan” (2019) kasama si Nadine Lustre.
Nagsimula ang journey ni Carlo bilang aktor sa sketch comedy show na “Ang TV” at bilang supporting actor sa iba’t ibang pelikula at TV series noong dekada ’90.
Sumikat siya bilang isa sa mahuhusay na child actors sa bansa sa kanyang pagganap sa “Bata, Bata …Pa’no Ka Ginawa?” (1998), kung saan nakasama niya ang Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Ang pagganap ni Carlo sa pelikulang iyon ay nagbigay sa kanya ng nominasyon bilang Best Supporting Actor sa Gawad Urian at parangal bilang Best Child Actor sa FAMAS Awards noong 1999.
Patuloy na pinakita ni Carlo ang kanyang versatility sa kanyang roles sa “Ang Tanging Ina” trilogy (2003-2010), “Heneral Luna” (2015), “Bar Boys” (2017), “Goyo: Ang Batang Heneral” (2018), at marami pang iba.