
Carlo Aguilar: Medical benefits ng tao dapat itaas
NANAWAGAN si Las Piñas City mayoralty candidate Carlo Aguilar na itaas ang taunang medical benefit ng Green Card mula P30,000 sa P50,000 kada miyembro ng pamilya at palawakin din ang libreng serbisyo sa gamot sa lahat ng barangay health centers.
Ayon kay Aguilar, ang pinahusay na Green Card program na kanyang nais ipatupad magiging mas accessible at matatanggap ng mga residente ang tulong medikal nang walang pinapaboran at hindi na kailangang maghintay ng matagal.
“Prayoridad ko ang kalusugan ng bawat Las Piñero. Mahirap magkasakit sa panahon ngayon,” sabi ng kandidato.
Binigyang-diin niya na ang pagpapabuti at pag-aalis ng pulitika sa Green Card system konkretong hakbang upang protektahan ang mga residente laban sa pasanin ng tumataas na gastusin sa kalusugan.
Nangako rin si Aguilar na palalawakin ang mga libreng programa sa gamot sa lahat ng city health centers lalo na’t nahihirapan ang karamihan ng mga residente sa gitna ng tumitinding krisis sa ekonomiya at walang prenong pagtaas sa presyo ng gamot.
Ibinahagi niya na marami na ang nagrereklamo tungkol sa kakulangan ng suplay ng gamot at mahinang serbisyo sa barangay health centers.
Tiniyak niyang mas maraming uri ng essential na gamot ang magiging available, partikular para sa mga senior citizens.
“Habang patuloy na tumataas ang presyo ng gamot, hindi tayo puwedeng maghintay pa,” ani Aguilar.
Ipinanukala ni Aguilar ang mga sumusunod na pangunahing pagbabago sa Green Card program: digitalisasyon ng records at aplikasyon para mapabilis ang proseso at mabawasan ang papeles at pinasimpleng requirements upang mabawasan ang red tape at malinaw ang batayan ng kwalipikasyon
Nangako rin siyang tatapusin ang pamumulitika sa pamamahagi ng tulong medikal, isang isyung nagpapahina sa tiwala ng publiko sa sistema at nag-iiwan ng maraming karapat-dapat na pamilya sa laylayan.
“Buong puso kong isinusulong na ang benepisyo ng Green Card magamit sa tunay nitong layunin–ang makapagbigay ng agarang tulong-medikal sa mga tunay na nangangailangan,” paliwanag ni Aguilar.
“Balak kong magpatupad ng mas mahigpit na alituntunin at gawing mas simple ang proseso upang tuluyang mawala ang impluwensyang pulitikal at mapabilis ang paglabas ng pondo sa mga kwalipikadong benepisyaryo,” ayon kay Aguilar.
Ang mga iminungkahing reporma sa kalusugan ni Aguilar bahagi ng mas malawak na plataporma para gawing moderno at makatao ang serbisyo ng pamahalaang lungsod habang tinutuligsa ang kasalukuyang pamunuan sa darating na halalan sa Mayo 12.