Liza

Careless exec, pinalagan ng dating manager ni Liza

March 10, 2023 Vinia Vivar 463 views

Nilinaw ng dating manager ni Liza Soberano na si Ogie Diaz ang naging pahayag ni Jeffrey Oh, CEO ng Careless Music, bagong management ng aktres.

Ayon kay Mr. Oh sa kanyang speech sa 2nd Philippine Creative Industries Summit a few days ago, inalok si Liza noon ng Marvel para mag-audition sa role ng iconic character na Mary Jane Watson sa Spiderman: Homecoming pero hindi pinayagan ang aktres dahil nakakontrata ito sa ABS-CBN.

Lumikha ng ingay ang statement ni Mr. Oh at nahalungkat nga rin ang naging pahayag ni Liza noong 2016 na walang invitation sa kanya para mag-audition sa Marvel.

“It’s not really an invitation. I think it was what the fans wanted lang, fans of Marvel. I think one of them is Pinay and parang she tweeted that, parang kung merong magiging Mary Jane Watson, she would want it to be me. All my fans started retweeting it and everything but wala naman po talagang invitation,” ang pahayag noon ni Liza.

Dahil dito, naloloka ang netizens, especially ang fans ni Liza, at hindi na malaman kung ano ba talaga ang paniniwalaan.

Sa latest vlog ni Ogie, sinabi niya na wala talagang offer kay Liza. Hinamon niya si Jeffrey na maglabas ng resibo para patotohanan ang sinabi nito.

“Mr. Jeffrey, you might want to release the receipt or the proof that Liza received an invitation from Marvel to audition for the role of Mary Jane,” ani Ogie.

“Dahil ako, bilang former manager ni Liza, at ang Star Magic at ang ABS-CBN, as far as we know, walang imbitasyon mula sa Marvel. At ‘yan ay sinegundahan ni Liza.

“Kaya hindi ko alam kung saan nanggagaling si Mr. Jeffrey. Kaya nga hinihingan ko ng resibo kasi baka ‘pag may resibo, eh, makapag-sorry kami kay Liza,” patuloy ni Ogie.

Paglilinaw niya pa, “Sino ba naman ang ayaw? Lead ‘yun, ano? At Hollywood movie ‘yun, ano? Na pangarap ni Liza. Pero wala nga pong imbitasyon.”

Nalulungkot din si Ogie sa nangyayaring ito ngayon kay Liza at sana raw ay nag-usap muna ang aktres at new management nito bago mag-release ng pahayag.

“Kasi, dahil diyan sa statement na ‘yan, binash tuloy nang binash si Liza. Pinagmumukhang ilusyonada si Liza. Diyos ko naman, hindi naman starlet si Liza. Sikat pa rin naman si Liza. Eh, bakit kailangang dumaan sa ganitong ka-cheap-an si Liza, hindi ba?

“Hindi natin alam, baka strategy ito ng Careless, ‘di ba, na lumikha ng ingay. If that is the case, aba, bongga. They did it,” ani Ogie.

Nag-react din si Ogie sa tila pagkukuwestiyon ni Jeffrey sa pagma-manage na ginawa ng dating management kay Liza.

“Diyos ko naman, Mr. Jeffrey, kinukuwestiyon mo ‘yung 10 years naming pagma-manage kay Liza. Mas nakakahiya naman siguro kung sa loob ng 10 years na ‘yun, eh, wala namang nangyari kay Liza, hindi naman siya sumikat, hindi ba?” aniya.

Dagdag pa niya, “After all, hindi n’yo rin naman kukunin si Liza kung hindi siya sikat.”

Sa huli ay nagbigay din ng mensahe si Ogie sa management ni Liza.

“You cannot erase the fact that ABS-CBN, Star Magic and Ogie Diaz were a part of Liza Soberano’s success, popularity you are enjoying. I know you can take good care of her as much as we did,” ani Ogie.

AUTHOR PROFILE