Default Thumbnail

Call center agent nakitang nakabigti

August 26, 2021 Melnie Ragasa-limena 309 views

NATAGPUANG wala ng buhay at nakabigti sa loob ng banyo ng kanilang tahanan ang isang 19-anyos na call center agent na diumano ay nakakaranas ng depresyon nitong Miyerkules ng gabi sa lungsod Quezon.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-7:15 ng gabi (August 25) nang matagpuan ang nakabigting katawan ng dalaga sa loob ng banyo sa 3rd floor ng kaniyang tahanan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl Angel T Pascasio III ng CIDU, nakatanggap umano ng text message ang kapatid ng biktima mula sa kaniyang kaibigan na sinasabing tinatawagan umano sa celphone pero hindi ito sumasagot.

Agad niyang tinawagan ang kapatid na babae at narinig niya na nagri-ring ang cellphone sa loob ng banyo pero walang sumasagot.

Puwersahan na niyang winasak ang seradura at doon ay bumungad sa kaniya ang nakabigting katawan ng kapatid sa kisame.

Isinugod pa sa Pasig Doctor’s Medical Hospital ang biktima subalit idineklara itong dead-on-arrival.

Nabatid na ang biktima ay sumasailalim sa therapy ng may halos isang taon dahil sa depression.