Default Thumbnail

‘CAIN AT ABEL’ CAVITE VERSION

May 15, 2023 Zaida I. Delos Reyes 254 views

DAHIL sa mainitang pagtatalo dahil sa namumuong away sa pamilya, sinaksak at napatay ng isang lalaki ang kanyang bunsong kapatid makaraang magtalo ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa General Trias, Cavite.

Ang biktimang nasawi dahil sa tinamong saksak sa tiyan ay nakilalang si Barry Cabrera, nasa hustong gulang, at residente ng Bgy. San Francisco sa nasabing probinsya.

Arestado ang suspect na si Billy Jan Cabrera, residente rin ng naturang lugar.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 10:30 p.m. nitong Linggo sa bahay ng magkapatid.

Nagtalo umano ang magkapatid dahil sa hindi pa malamang away sa pamilya hanggang sa kumuha ang suspect ng patalim at walang sabi-sabing sinaksak umano ang bunsong kapatid.

Dinala ang biktima sa pagamutan subalit hindi na naisalba pa ang buhay nito.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente. Nina ZAIDA DELOS REYES & DENNIS ABRINA