CAFGU

CAFGU patay, 2 sugatan sa Maguindanao del Norte shooting

November 28, 2022 Zaida I. Delos Reyes 462 views

TATLONG miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang nasawi habang dalawa ang nasugatan matapon paulanan ng bala ng dalawang hinihinalang miyembro ng rebeldeng grupo nitong Lunes ng madaling araw sa Buldon, Maguindanao del Norte.

Kinilala ni Lt. Col. Dennis Almorato, tagapagsalita ng 6th Infantry Division (ID), ang mga nasawi na sina Christian Silvestre, Ignacio Lozad, at Dondon Ahito.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan na nakilalang sina Arnel Cayanan at Calbertson Baggay.

Ayon kay Almorato naganap ang pamamaril dakong 1:20 ng madaling araw.

Binabantayan umano ng mga biktima ang ginagawang tulay na napinsala ng bagyong Paeng sa Barangay Edcor, Buldon nang paulanan ang mga ito ng dalawang armadong lalaki.

Tumakas ang mga suspects sa direksyon patungo sa bulubunduking lugar ng Barangay Nuyo. Naniniwala ang tropa ng militar na mga miyembro ng rebeldeng grupo ang mga salarin. Patuloy ang isinasagawang pursuit operation ng mga tauhan ng 5th Marine Battalion Landing Team upang maaresto ang nasa llikod ng krimen.