Default Thumbnail

CAFGU members, napag-iwanan sa sahod

July 20, 2022 Allan L. Encarnacion 2198 views

Allan EncarnacionKUNG mayroon man tayong dapat pasalamatan na katuwang ng PNP at AFP sa pagmamantini ng kapayapaan sa mga kanayunan, marahil ay kasama na diyan ang Cafgu o iyong itinatawag na Citizen Armed Forces Geographical Unit.

Sa laki ng problema ng bansa sa rebelyon, nilikha ang Cafgu noong 1987 sa ilalim ng Executive Order 264 ni President Cory Aquino.

Hindi kakayanin ng ating mga pulis at militar ang rural areas kaya kailangan ng auxiliary forces na katulad ng Cafgu dahil ang halos lahat ng miyembro nito ay mula sa kanilang komunidad. Kabisado ang lugar, kakilala ang mga tao.

Noong 2020, umaabot na sa 61,200 ang Cafgu members sa buong bansa. Malaking bagay ito para sa force multiiplier ng AFP at PNP na ang combined forces ay halos 500,000 lang.

Ang problema lang natin ngayon, mukhang ilang beses nang tumaas ang sahod ng AFP at PNP pero hindi nakasabay ang Cafgu. Palagi silang napag-iiwanan.

Batay sa mga ipinadalang impormasyon sa atin ng ilang Cagfu members mula sa Visayas Region na hindi natin babanggitin ang mga pangalan, umaabot lang P4,500 ang kanilang monthly alowance plus P2,000 na financial support. Ibig sabihin, nasa P6,500 lang ang kanilang buwanang kita.

Kahit sabihin pa nating “neighborhood forces” lang sila or mga nagmula sa komunidad kaya hindi na kailangan ng pamasahe, sa tingin natin ay hindi sasapat ang P6,500 para makabuhay ng pamilya. Mas mabilis pang tumaas ang presyo ng gasolina kaysa sa sahod ng mga Cafgu.

Sa laki ng partisipasyon ng mga Cafgu sa intelligence gatherings at pagpapanatili ng peace and order sa komunidad, dapat siguro ikunsidera ng gobyerno ang pagbigay ng maayos na pasahod or allowance sa kanila. Wala rin palang tinatanggap na benepisyo at Christmas bonus ang mga Cafgu members na maituturing nating first responders.

Kung nalikha sila sa pamamagitan ng EO ng Presidente ng bansa, mukhang may magagawang paraan si President BBM para maayos ang tinatanggap ng mga kapartner ng estado sa paglaban sa rebelyon at insureksiyon.

Baka puwede ring tingnan ito ng AFP at Defense department para sila mismo ang magrekomenda kay Pangulong Bongbong ng upgrading ng alowance nila dahil sa kanila direktang konektado ang mga Cafgu.

[email protected]