‘Bystander effect’ tatalakayin sa ‘Pasahero’
Ngayong Oktubre, inihahandog ng Viva Films ang “Pasahero,” isang pelikulang magpapakita ng “bystander effect”.
Sa obrang ito ng cult director na si Roman Perez Jr., mangyayari ang krimen sa loob ng tren kung saan may pitong pasahero na pwede sanang tumulong, pero piniling magbulag-bulagan.
Ito ay pinagbibidahan nina Louise delos Reyes, Yumi Garcia, Katya Santos, Mark Anthony Fernandez, Andre Yllana, Keann Johnson, Rafa Siguion-Reyna, Dani Zee at Bea Binene.
Si Michelle (Louise), ay isang probinsyana na umaasa ng magandang buhay sa Maynila. Pero sa pagsakay niya ng tren isang gabi, makukursunadahan siya ng isang lalaking naka-maskara.
Dadalhin siya nito sa may dulong parte ng tren habang walang kibo ang ibang mga pasahero.
Si Angel (Bea), isang graphic and visual artist, ay maraming online followers. Maaga siyang naulila at dahil sa trauma ng kabataan, nangako siya na hindi makikialam sa ibang tao.
Sakay din ng tren si Trina (Katya) at ang kanyang sampung taong gulang na anak na si Belle (Dani). Hindi tutulong si Trina para sa kaligtasan ng anak.
Kung may makakatulong kay Michelle, ‘yon sana ay si Tom (Mark Anthony), dating boksingero. Malakas pa rin ang pangangatawan nito dahil nagtuturo ito sa mga batang gustong maging boksingero, pero sa harap ng kriminal, tila naging bato lang si Tom na hindi makagalaw.
Sa halip na magtulung-tulong ang tatlong magkakaibigang sina Martin (Andre), Alvin (Keann) at Drea (Yumi), mas pinili nilang ituon ang atensyon sa kani-kanilang gadget.
Si Alvin ay isang rich kid na itinuturing ang sarili bilang humanitarian. Si Martin naman ay sinasabing may malawak na kaalaman sa lipunan, pero tulad ni Tom, wala silang tapang.
Sa pagpapatuloy ng kwento, saksihan kung paano uusigin ng konsensya ang mga pasahero. Bawat isa ay makakaranas ng kamalasan, pati na ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kung binigo man nila si Michelle noon, may magagawa pa kaya sila ngayon para makuha ng dalaga ang hustisya?
Mula sa Viva Films at JPHLiX Films, ang “Pasahero”, produced by Studio Viva in cooperation with BLVCK Films at Pelikula Indiopendent, ay mapapanood na sa mga sinehan simula October 30.