Default Thumbnail

Buwagin ang sindikato ng Off Load sa Immigration

May 16, 2022 Marlon Purification 418 views

Marlon PurificationMAHIGIT isang buwan na lang ay uupo na sa Malakanyang si President elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na nakatakdang ideklara at manumpa bilang ika-17 Pangulo ng bansa.

Sa darating na buwan ng Hulyo ay asahang magpapalitan din ang iba’t ibang appointed officials sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Sigurado ako na isa sa tatamaan dito ay ang Bureau of Immigration (BI) na pinamumunuan ni Commissioner James Morente.

Iba’t ibang kontrobersiya ang tumama sa BI, partikular na ang isyu ng Pastillas Scam.

Pero in fairness kay Morente, kahit papano ay nililinis nito ang kanyang ahensiya.

Ang problema, marami talagang mga kumag sa BI na hindi maawat sa paggawa ng kabalbalan.

Isa sa pinakahuling natanggap nating sumbong ay ang madalas na pambibiktima ng tinatawag na Off Load Gang na ang ginagawa ay walang patumanggang hindi pasasakayin ng eroplano ang mga pasaherong papalabas ng bansa.

Wala namang problema kung talagang hindi sumusunod sa mga requirements ang ilang pasahero na ang iba’y ginagamit ng sindikato ng illegal recruitment at human smuggling.

Wala tayong kuwestiyon kung talagang may problema sa hotel booking, pocket money, return ticket, visa o may record ng previous off loading.

Ang problema, ginagawa itong gatasan ng mga dorobo sa BI.

Para lamang makalabas ang ino-off load nilang pasahero ay kailangang magbigay sila ng halagang P30K hanggang P150K bilang padulas.

Sa mga chat group tulad ng Stop Injustice -Bureau of Immigration NAIA , makikita doon ang sandamakmak na reklamo ng mga nabiktima ng Offload Gang na pinakatalamak daw sa NAIA Terminal 3.

Napipilitan umanong magbayad sa Offload Gang ang mga biktima keysa naman mabalewala lahat ang mga nagastos na nila sa visa at mga tiket nila sa eroplano.

“With the ongoing repeated offloading na ginagawa ng mga Immigration Officers sa Pinas mas mabuti pa siguro baguhin nila ang system check sa mga Pinoy passengers if they are really serious on screening us. Para walang visas at airline tickets ang masasayang, bakit di nila tayo pa-applyan sa office nila for a travel clearance bringing the documents they require,” sabi ng isang miyembro ng chat group.

Base sa mga ulat na nakarating sa atin ay sobrang dami na ang nabiktima ng Offload Gang na ito kaya naman panahon na para imbestigahan ito ng pamunuan ng BI at kung kinakailangan ay ni Pangulong Digong mismo.

Mukha kasing naghahapit ang mga kumag na ito dahil alam nilang anumang oras ay maaari na silang mapalitan sa puwesto kaya fund raising na talaga ang lakad nila.

Sa puntong ito, gusto nating manawagan kay BI chief Morente.

Boss Tsip, bagaka puwede mong tanungin si Travel Control Enforcement Unit chief Timmy Barizo kung bakit usap-usapan sa group chat ng mga OFWs ang sindikato ng Off Load sa BI.

Pangit naman kasing papalabas na kayo sa puwesto ay may maiiiwan pa kayong ganitong uri ng isyu.

Sana isang magandang legacy naman diyan!