Busisiin ang Baler ambush

October 4, 2022 Allan L. Encarnacion 145 views

Allan EncarnacionHINDI lang simpleng ambus o awayan ang nangyari sa Baler-Casiguran Road Purok, Bgy. Dibutunan, Dipaculao, Aurora nito lang hapon ng Oktubre 3.

Batay sa detalye mula sa pulisya, pinaulanan ng bala ang pulang Isuzu Dmax na kinasasakyan ng dalawang kalalaki at isang babae na pawang namatay on the spot bandang 510pm nito lang Lunes

May mga naglalabasang anggulo na may kaugnayan pa sa nakaraang eleksiyon ang insidente kaya nanawagan tayo kay PNP Chief, General Rodolfo Azurin na busisiing mabuti ang pangyayaring ito.

Natatandaan natin na nagkaroon ng tensiyon dyan sa Baler-Aurora noong nakaraang eleksiyon dahil naging mainit ang labanan.

Sana lang mabigyan ng katarungan ang pagpatay sa mga biktima at matukoy kung sino man ang nasa likod ng krimen na ito.

Isa na namang hamon ito sa liderato ni General Azurin.

By the way General, may radio anchor din pala na inambus sa Las Pinas kasabay ng Baler ambush.

Sakit sa ulo ni hepe ito!

***

Okey na rin ang pagtama sa lotto ng 433 bettors na naghati-hati sa P236 million.

Mas marami ang nakinabang at mas maraming pamilya ang sumaya sa pagkubra nila ng halos tig-P500,000.

Kung isa lang ang tumama, siya lang mag-isa ang maligaya kaya okey na rin.

Kaya nanawagan ako sa lahat ng mga mapalad na tumama, pakibigyan nyo naman ako kahit tig-iisang libong piso lang para mas marami tayong sumaya ngayong papalapit na ang Pasko!

Paging PCSO General Manager Mel Robles, pakilala nyo naman po kami sa mga tumama.

***

Nagbukas na sa turismo ang Japan at ang South Korea.

Ang Hong Kong at Macau na lamang ang nasa estado pa rin ng paghihigpit na mapasok ang mga turista kaya hanggang ngayon ay hirap pa rin ang kabuhayan ng kanilang mga mamamayan.

Sinusuportahan pala ng kanilang mga gobyerno ang mga mamamayan sa pamamagitan ng cash voucher na nagagamit sa pang-shopping at pangkain sa mga restaurant.

Marami pa ring negosyante ang umaangal dahil hindi pa naman sapat ang mga pagdagsa ng mga locals sa kanilang mga negosyo.

Sino namang turista ang pupunta sa Hong Kong at Macau na kailangan pang magtatlong araw hanggang pitong araw na hotel quarantine bago ka makalabas?

May mga mutlinational investors na ang nag-aalisan sa Hong Kong at Macau dahil sa zero COVID policy ng kanilang pamahalaan na hindi naman nangyayari.

Mabuti pa ang Singapore, sila ang pinakaunang nagbukas ng kanilang mga borders para sa turista dahil sabi nga ng kanilang Prime Minister, kailangan nating mabuhay kasama ang COVID.

Makaligtas man ang mga kababayan mo sa COVID, todas naman sila sa gutom kapag sinara mo ang daloy ng ekonomiya!