‘Business permit’ sa Laguna P1 milyon ang halaga!
YES, dear readers at DILG secretary, Ed Año. Tama ang nabasa ninyo na titulo ng aking kolum ngayon: P1 milyon, to be precise, P1.1 milyon pala, ang “halaga” ng bayad para makakuha ng business permit sa isang lungsod d’yan sa aking kawawang lalawigan ng Laguna.
Ang siste kasi, isang kaibigan ang nahikayat na magtayo ng ‘OCBS/OTB’ (“off-track betting station”) sa naturang lungsod dahil una, ito naman ay ligal at may prangkisa mula sa gobyerno at PAGCOR, tama ba, PAGCOR chair at proud NPC member, Andrea Domingo, mam?
“Nagbakasakali” silang magtayo sa kabila ng pandemya sa paniwalang kahit paano ay maibabalik ang kanilang puhunan, kikita kahit kaunti at makapagbibigay pa ng trabaho at oportunidad sa ilang residente ng lungsod.
‘Yun nga lang, kapansin-pansin na halos dalawang buwan na nilang inaayos ang kanilang ‘business permit,’ hanggang ngayon, aba’y wala pa rin—kahit nga naipakita na nila ang mga dokumentong nagpapatunay na ‘above board’ ang nasabing negosyo.
At ting,ting,ting!
Naisumbong sa atin na kamakailan, “ipinatawag” ng “tunay” na nagpapatakbo ng lungsod (hindi si mayor) sa ganitong mga malalansang transaksyon, ang tauhan ng nasabing OTB upang “ipaunawa” sa kanya na sa kanila palang lungsod, sadyang mahal—sobrang mahal—ang business permit sa ganitong klase ng negosyo. Tumataginting na P1.1 milyon.
Eh, may “resibo” ba naman at papasok naman kaya sa ‘treasurer’s office’ ang halaga, tanong mo ba, Sec Ed? Eh…siyempre naman, hindi!
Malinaw kasi na ang inihatag na “presyo” ay ‘for the boys lang!’ Kung “bukol” naman si yorme at si “hepe” ang chief of police ng lungsod, eh ‘yun din ang hindi pa natin alam, hehehe!
Nagtataka rin ang ating miron kung bakit ang nasabing opisyal ang nang-eextort, ehek, nakikipag-usap sa kanya at “nagdidikta” kung “magkano” ang “pitsa” na “isusuka” nila, samantalang hindi naman ito empleyado ng city hall dahil siya ay isang ‘elected official.’
Hmm. Ganyan na ba talaga ang “kalakaran” sa mga lalawigan, partikular na sa Laguna, Gov. Ramil Hernandez, na ang pagpapatakbo sa lokal na pamahalaan ay wala kay mayor at bagkus ay nasa kapangyarihan ng ilang mga “ogags” na suwerteng naiboto noong nakaraang halalan?
***
Patuloy ang pagsisikap ng administrasyong Duterte, partikular na ang ating national security sector, sa pangunguna ni NSA Jun Esperon at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na mailagay sa “ayos” ang pamamalakad sa buong sangay ng gobyerno.
Alam kasi nila na ang korap at masamang estilo ng pamamahala sa mga LGUs ay isa sa mga dahilan kung bakit patuloy pa ring nakakakuha ng ‘sympathizer’ at ‘supporter’ sa mga probinsiya ang mga armadong komunista.
At sa ganitong estilo ng pamamahala sa lungsod na ito sa Laguna, eh, talagang mahihirapang “makahulagpos” sa impluwensiya ng CPP-NPA ang aking mga pobreng kababayan dahil nga ang tingin sa kanila ng kanilang mga napiling opisyal, sila ay mga “gatasang baka.” Sino ang “matutuwa” sa sistemang ganyan, aber?
At kung kahit ang mga maliliit na negosyo ay hindi makaligtas sa “talas” ng ganitong mga halal ng bayan, paano pa kaya ang mga malalaking negosyo na marami rin namang pabrika sa lugar na yan?
Alam nating makakarating sa atensyon ng nasabing buwaya, ehek, ‘elected official’ itong artikulong ito. At ang ating payo?
Eh, huwag ganyan ang estilo, bosing! Hindi na uso ang extortionist ngayon sa hanay ng ating mga opisyal. Galit si Pang. Rody at PACC chair, Greco Belgica sa ganyan.
At mas lalo pa ang ating DILG secretary, eh, baka “malasin” kayong lahat ng grupo mo, hindi ba, tama ba, kasamang RA Maico at Ed Amoroso?
Aber, kami nga sa midya ngayon, kapag may ganyang reklamo? Aba’y kami na mismo ang nagpapahuli at nagpapa-entrap, peksman!
At ang negosyo, gaano man kaliit, basta ligal, dapat tinutulungan ang mga yan upang lumaki at makapag-ambag sa lungsod sa pagbabayad ng tamang buwis at pagbibigay ng trabaho sa mga residente.
Huwag naman yung… hindi pa nga nagsisimula, “kakatayin” na agad ninyo dahil ang gusto ninyo, kayo na lang ang mabuhay at kumita—kahit sa masamang pamamaraan.
Aber, “nasisikmura” kaya ng mga ganitong opisyal na ang kanilang ipinapakain sa kanilang pamilya, bunga ng “pambabraso” sa iba? Galing sa kasamaan? Mga ganid.
Abangan!