Default Thumbnail

Bus vs motor: 2 patay, 1 sugatan

July 29, 2023 Zaida I. Delos Reyes 165 views

PATAY ang dalawang lalaki habang kritikal naman ang isa sa banggaan ng bus at motorsiklo Sabado ng madaling araw sa Atimonan, Quezon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Rafael Sta Rosa, driver, at back rider nitong si Jehron Sayson.

Samantala, kritikal sa Doña Marta Memorial District Hospital ang isa pang back rider na si Vincent Delos Santos.

Batay sa ulat ng Calabarzon Police, naganap ang insidente dakong 12:12 ng madaling araw sa Maharlika highway, Barangay Tagbakin, Atimonan, Quezon.

Dumadaan sa Maharlika highway patungong Bicol ang Yulong bus na minamaneho ni Ramon Contreras nang mabangga ang kasalubong na motorsiklo pagsapit sa kurbadang bahagi ng highway.

Tumilapon sa motorsiklo ang tatlong biktima sa lakas ng pagkakabangga at agad na namatay ang dalawa sa mga ito.

Isinugod sa naturang ospital ang isa sa kasamahan ng mga biktima.

Nasa kamay na ng pulis ang driver ng truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide at physical injury and damage to property.