‘Bumato ang walang dungis kay Bebe Maris’
GANITO ang hamon ng Panginoong Hesus sa mga taong sumisigaw at ipinapapatay ang babaeng nangalunya.
“Kung sino sa inyo ang walang pagkakasala, siya ang unang dumampot ng bato para siya ang unang pumukol sa babaeng ito.”
Hindi ako mahilig sa tsismis pero minsan, nadadala ka rin ng agos dahil dumadaan lahat sa iyong news feed ang mga nangyayari sa loob at labas ng bansa, kasama na ang mainit-init na hotcake ni Maris Racal.
Sa gitna ng kontrobersiyang “it was hot and i just wanna play with myself” ay biglang nagkaroon ng bagong libangan ang bayan. Para tayong pinagpahinga sa Kongresoserye at putaktakang-pulitika.
Para tayong ibinalik sa “careless whisper” scandal na mas mababa ng 100 degrees ang intense kung ikukumpara sa Racal-Jennings.
Ramdam natin ang sinsiridad ni Racal, katunayan, sa taas ng simpatiya ko sa kanya matapos kong marinig ang kanyang mga paliwanag at paghingi ng tawad, parang gusto ko siyang patirahin ng libre sa air-bnb ng aking mga anak.
Ang nakita natin ay isang typical na kahinaan ng isang tao sa panahong kailangan niya ng masasandalan. Kapag dumating ka sa boiling point ng iyong kalungkutan, doon pa namam dumarating ang mga imbitasyon para magkasala.
HIndi ito madaling iwasan, hindi ganoon kadaling tumalikod sa mga panahong lunod ka sa kalungkutan. Safe sigurong sabihin na 4 out of 10 ang nahuhulog sa ganitong patibong. Huwag tayong magkaila at huwag tayong magmalinis.
Kaya nga hindi rin magandang husgahan si bebe Maris sa kanyang naging karupukan. Aaminin ko, baka nga nahulog din ako kay Racal kung dumating ako sa parehong sitwasyon. (Kuwentuhan lang ito my wife, Marita, huwag ka maniwala).
Kidding aside, maraming tao ang masyadong mabilis manghusga at hardliner moralista para bagyuhin ng bashing si Maris. Parang ang kumukumpleto ng kanilang araw ay hatawin ng masasakit na salita ang isang nilalang na sa pagtingin nila ay bagsak sa kanilang moral compass.
Aminin nating lahat, nangyayari ito sa bawat Tom, Dick and Harry na posibleng nagkakaiba lang ng degree. Pero at the end of day, ang pinakaimportante lang ay ang pagiging mabuting tao mula sa kaibuturan ng iyong puso.
Hindi ang pagkakasala sa ganitong klase ng isyu ang dapat maging sukatan ng kabuuan ni Racal. Sorry, pro-Maris na ako dahil siguro kumpleto ang sangkap ng kanyang mga pahayag para makumbinsi akong biktima lang siya ng sitwasyon at kanyang mapagparayang kahinaan.
Labyu babe, dating gawi, txt txt pag may time.
And by the way, alam na nating lahat wala nga palang kahit isang dumampot ng bato para pukulin ang babaen nagkasala na iniharap kay Kristo.
“Go home and sin no more,” sabi ng mabuti at mapang-unawang guro.