Default Thumbnail

‘Bulyawan session’ sa palasyo

December 16, 2021 Allan L. Encarnacion 274 views

Allan EncarnacionANO na kaya ang nangyayari sa loob ng palasyo ng Malacanang?

Noong mga unang buwan ni President Duterte, nagkaroon tayo ng tiyansa na makapagkape sa palasyo dahil may mga kaibigan tayong nasa inner circle ng Presidente.

Medyo open tayo sa mga panahong yan kasi katatapos lang ng inagurasyon at alam ng ibang nasa paligid ni Presidente na tayo ang gumawa at nagkonsepto ng unang apat na political ads sa panahon ng kampanya.

Payapang paligid ang ating nasaksihan, may mga pagkakataong naabutan nating dumarating si Presidente galing sa kanyang bahay sa kabilang panig ng Pasig River kasama ni dating Special Assistant ngayon ay Senador Bong Go.

Nakakain din ng tayo sa payak na piging gaya ng maruya at munggo. Dahil ayaw ni Presidente ang magarbong pagkain, nawala na ang mga steak at lobsters na pangkaraniwan sa mga nakaraang administrasyon.

Hanggang sa magkaroon ng Christmas lights ceremonial program sa palace ground noong December 2016 nakadalo pa tayo. Nang sumunod na taon, 2017, hindi na tayo nakabalik, back to my normal life na. Hindi pala tayo pang-palasyo kaya balik ulit sa payak na tahanan.

Pagkatapos ng mahigit limang taon, kumusta na ba sa palasyo? May mga impormasyong dumarating sa atin na parang hinalong kalamay na ang nangyayari ngayon.

Ang balita natin, may mga sinabon at binanlawan si Mayor Inday Sara sa loob ng palasyo dahil sa mga sistemang hindi raw nalalaman ni Presidente. Alam naman nating kung istrikto si Digong, mas triple ang pagiging istrikto si Inday.

Hindi naman siguro mapapaikutan ng kahit sino si Presidente. Ang problema, isa sa mga isyung mainit sa palasyo ay ang pagkakapirma ng appointment ng isang mataas na huwes na hindi umano malinaw kung paanong napirmahan.

Ang huwes umanong ito ay black-listed sa Davao dahil kasama siya sa nag-file ng disbarment case, may 10 or 15 years ago na ang nakakaraang matapos ang “boxing scene” sa demolition.

Masyadong maselan ang appointment, lalo na kung huwes, para makalusot kay Presidente. Sa tingin natin, walang palusutang nangyari dahil sobrang mabusisi si PRDD sa kanyang mga pinipirmahan.

Pero totoo ba ang impormasyon na may “bulyawan session” na nangyari dahil sa appointment na ito?

Ang binabanggit na huwes ay dati ring sikat sa panahon ng impeachment ng yumaong Chief Justice. In fairness naman, matino naman ang huwes na ito at kilala ring maayos magtrabaho.

Judge, huwag ka nang mag-alala, mukhang hindi ka na makakalos kasi appointed at nakapag-oath ka na.

[email protected]