QCPD

‘Bully’ tinadtad ng saksak sa QC

September 11, 2022 Melnie Ragasa-limena 379 views

SUGATAN ang isang 54-anyos na lalaki na diumano ay numero unong alaskador sa kanilang barangay nang tadtarin ng saksak ng icepick ng ka-lugar sa Cubao, Quezon City, Linggo ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Roberto Questa Oribiana, 54, walang asawa, at residente ng 303 E Bonny Serrano Ave. Brgy. Bagong Lipunan ng Crame, Cubao.

Nakatakas ang suspek na si Mignard Agcaoili Balderama, 33, binata, walang trabaho, at nakatira sa 303 (Barrio Pag-ibig) Bonny Serrano Ave. Brgy. Bagong Lipunan ng Crame, Cubao.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), Cubao Police Station (PS-7), bandang 2:05 a.m. (September 11), nang maganap ang insidente sa harapan ng tahanan ng biktima sa nasabing barangay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Oliver Bocade ng PS-7, ang biktima umano ay numero unong mapang-bully sa kanilang barangay kaya marami sa mga kapitbahay ang naiinis sa kaniya.

Lango sa alak si Oribiano nang masalubong nito si Balderama at hinarang saka pinagsabihan ng masasakit na salita pero iniwasan na lamang umano ito ng suspek.

Dahil dito ay nagalit ang biktima at tinangkang saktan ang suspek pero mabilis itong nakatakbo subalit hinabol pa rin siya ni Oribiano.

Nang maabutan ay nagpambuno ang biktima at suspek hanggang magpagulong-gulong sa kalsada.

Nakadampot ang suspek ng kahoy at pinalo sa ulo si Oribiano at nang hindi makuntento ay binunot pa niya ang dala niyang icepick saka tinadtad ng saksak sa katawan ang biktima.

Agad na isinugod sa Quirino Memorial Medical Center ang biktima kung saan patuloy pa siyang inoobserbahan.

Patuloy pang tinutugis ang nakatakas na suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide.