
‘Bully’ kritikal sa ospital
KRITIKAL ngayon ang tinaguriang bully matapos siyang saksakin at tagain ng samurai ng lalaking palagi niyang binu-bully sa Navotas City noong Huwebes.
Sa report ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dating provincial director ng Negros Oriental, kitang-kita sa closed circuit television (CCTV) footage ang pambu-bully ng biktima na si alyas Joshua sa suspek na si Christian nang magkasalubong sila sa R-10 Sitio Sto. Nino noong Huwebes ng alas-11:45 ng tanghali.
Walang kaabog-abog na sinuntok ng sunod-sunod ni Joshua ang kababata na hindi naman pumalag para hindi masapol ang mukha.
Tumigil lang ang suspek sa panununtok nang lumapit na ang ilang mga tambay kaya naglakad na pauwi sa kanila ang suspek.
Nakita sa CCTV footage na sinundan pa ni Joshua ang suspek pero hindi na nakuhanan ang pananaksak ni Christian matapos niyang kuhanin ang samurai sa kanilang bahay.
Sinabi sa pulisya ng suspek na hindi niya alam kung bakit paborito siyang pag-tripang i-bully ng kababata kahit wala naman siyang ginagawa rito.
Kasalukuyang ino-obserbahan sa Tondo Medical Center si Joshua, 22, ng R-10 Sitio Sto. Nino, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS)-Proper sanhi ng mga tinamong saksak at taga sa likurang bahagi ng katawan.
Naaresto ng mga tauhan ng Navotas police ang suspek na si alyas Christian at residente rin sa naturang lugar.
Nakuha ng mga pulis sa kanya ang 24-inch samurai na ginamit sa pananaksak sa biktima.
Iprinisinta na sa Navotas City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings ang suspek kaugnay sa kakaharaping kasong frustrated murder.