
Bulkang Mayon tuloy ang pag-alburuto
KASUNOD ng pagkakadiskubre ng panibagong lava dome, nagpapatuloy sa paga-alburuto ang Bulkang Mayon sa Albay.
Sa inilabas na update ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong 8 a.m. nitong Linggo, nakapagtala ng isang volacanic earthquake at 177 rockfall events ang ahensya sa loob ng 24-oras.
Ayon sa Phivolcs, patuloy sa pagpapakita ng intensified unrest o magmatic unrest ang bulkan simula ng itaas sa alert level 3 ang paligid nito noong Huwebes.
Makikita pa rina ng banaag o crater glow sa tuktok ng bulkan at nagbubuga din ito ng katamtamang kapal ng usok sa direksyon ng Silangan.
Nitong Sabado, naglabas ang bulkan ng 1,205 tonelada ng sulfur dioxide.
Ipinaliwanag ni Mayon Volcano Observatory resident volcanologist Dr. Paul Alamis na batay sa kasaysayan ng pagsabog ng Mayon, ang ipinapakita nitong pagkabalisa ay maari pang magpatuloy sa mga susunod na araw.
Aniya, dahil lumabas na ang panibagong lava dome, mas madali na itong dumaloy at maaaring ito na rin ang panibagong phase ng eruption ng bulkan.
Matatandaan na nitong Sabado ay naglabas ng larawan ang Phivolcs na nagpapalit ng panibagong lava dome sa bunganga ng bulkan.
Kaugnay nito, nanatiling ipinagbabawal ang pagpasok sa six-kilometer radius ng Mayon na itinuturing na permanent danger zone.
Bawal din ang paglipad ng anomang uri ng aircraft malapit sa bunganga ng bulkan.