Phivolcs

Bulkang Kanlaon 36 beses yumanig mula Lunes

September 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 188 views

TUMAAS ang seismic activity sa paligid ng Kanlaon Volcano sa Negros island.

Batay sa update na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 36 volcanic earthquakes ang naitala mula alas-5 ng umaga nitong Lunes hanggang Miyerkules.

Kabilang sa pagyanig ang 34 volcano-tectonic (VT) earthquake.

“These earthquakes ranged in energy from ML0.8 to ML3.4 and occurred at depths of 0 to 9 kilometers beneath the northeast flank of the Kanlaon range,” pahayag ng Phivolcs.

Ayon sa Phivolcs, ang panandaliang pamamaga ng mga dalisdis ng bulkan ay naitala mula Marso 2023, habang ang pangmatagalang inflation ng buong edipisyo ay nagsimula noong Marso 2022.

Mas mababa naman ang ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan mula sa crater nito ngayong Agosto 20 na nasa 412 tonelada lamang, kumpara sa ibinugang sulfur dioxide noong Hulyo na nasa average na 623 tonelada.

Sinabi ng Phivolcs na batay sa ipinakikitang aktibidad ng bulkan, posibleng mauwi ito sa mas malakas na pag-aalburoto.

“While monitoring parameters in the past months have been consistent with shallow hydrothermal activity driven by degassing of deeper magma, ongoing VT earthquake activity indicates that fracturing at deeper levels is occurring and may possibly lead to further unrest,” paliwanag ng ahensiya.

Sa ngayon, ang Kanlaon Volcano ay nasa alert level 1 at posibleng maitaas sa alert level 2 sa sandaling magpatuloy ang pag-aalburoto nito.